ni Lolet Abania | March 1, 2021
Apat katao ang naitalang dumanas ng masamang pakiramdam matapos na maturukan ng Sinovac COVID-19 vaccine sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung saan isinagawa ng kauna-unahang pagbabakuna sa bansa ngayong Lunes.
Ayon sa mga doktor, ang nai-report na sintomas ay kinokonsiderang mild side effects subalit inaalam pa nila kung ito ay dahil sa itinurok na Sinovac vaccine. Ipinaliwanag din ng mga doktor na maaaring ang kanilang mga naranasan ay dulot ng anxiety tungkol sa pagbabakuna.
Base sa ulat, ang apat ay dinala sa emergency room. Isa sa apat na kaso ay staff ng VMMC na sumama ang pakiramdam na nagkaroon ng rashes at pamumula ng balat matapos na maturukan ng vaccine.
Isang lalaking staff naman ng Department of National Defense (DND) ay dinala ng ambulansiya makaraang mabakunahan ng Sinovac vaccine dahil sa pagkahilo, pananakit ng ulo at high blood pressure. Isa pang babaeng DND personnel ang nagkaroon ng rashes sa kanyang katawan.
Ang huli na sumama ang pakiramdam ay nagkaroon ng palpitations o pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Sa apat na kaso, dalawa ang nakalabas na ng ospital habang minomonitor naman ang dalawang iba pa.
Samantala, tinatayang nasa 125 ang nabigyan ng vaccine doses sa Philippine General Hospital sa Manila, 85 sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan; at 30 sa AFP Medical Center sa V. Luna Avenue, Quezon City. Patuloy ang isasagawang roll out ng pamahalaan para sa 600,000 doses ng Sinovac vaccine sa maraming ospital sa Metro Manila.
Commenti