ni Lolet Abania | April 24, 2022
Sugatan ang apat na indibidwal matapos na sumabog ang bomba sa loob ng bus na kanilang sinasakyan sa Parang, Maguindanao, ngayong Linggo nang umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Arthur Cabalona, police regional director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang Rural Transit Bus ay nag-stopover sa Barangay Making ng nasabing bayan nang mangyari ang insidente.
“Nag-stopover sa Parang. And while the passengers were having breakfast, may sumabog sa back portion ng bus,” pahayag ni Cabalona.
Nabatid ng mga awtoridad na isang improvised explosive device (IED) ang itinanim sa loob ng naturang bus, kung saan patungo ito sa Dipolog City mula sa General Santos City.
Agad na dinala ang apat na pasaherong nasugatan sa ospital habang kasalukuyan na silang ginagamot.
Sa ngayon, tsini-check na rin ng pulisya ang CCTV surveillance footage mula sa lugar para matukoy kung sino sa mga pasahero ng bus ang biglang nawala bago pa ang pagsabog.
“May mga CCTV camera along the vicinity. Kinukuha na po natin ‘yan to see those passengers and their faces kung sino ‘yung nawala. Probably ‘yun magiging persons of interest natin and at the same time, an investigator is also sent to the owner of the bus company to conduct questioning,” sabi ni Cabalona.
Habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pagsabog, ayon kay Cabalona, tinitingnan naman nila ang nakalap na mga reports hinggil sa aniya, “reports of extortion or attempts of extortion".
Ang nangyaring pagsabog ay ilang metro lamang ang layo mula sa regional headquarters ng BARMM police.
Inilagay naman sa bagong ruta ang bus na sangkot sa pagsabog, kung saan inilunsad lamang ito noong Marso na bumibiyahe mula General Santos patungong Dipolog via Cotabato City.
Opmerkingen