ni Lolet Abania | January 30, 2022
Nakakumpiska ang Bureau of Customs (BOC) ng apat na buhay na bearded dragons sa isang shipment na idineklarang tupperware sa Port of Clark sa Pampanga.
Ayon sa BOC, ang naturang shipment ay dumating noong Enero 27 na nagmula sa Malaysia. Isinailalim ito sa X-ray scanning, at may lumabas na mga “suspicious images”, kaya agad na nagsagawa ng 100% physical examination ang bureau.
Nakakuha sa ginawang inspeksyon ng dalawang babae at dalawang lalaking buhay na bearded dragons na nakalagay sa mga plastic containers.
Sinabi ng BOC na ang mga misdeclared shipment ay inimport ng walang kaukulang Sanitary and Phytosanitary Certificate and Veterinary Health Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Maaaring masampahan ng paglabag sa Section 118 (g), 119 (f), 1113 (l, j) at 1400 ng Republic Act (RA) number 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act and RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang consignee nito, habang inaalam na rin ng mga awtoridad ang tungkol dito.
Ayon pa sa BOC, ang mga bearded dragons ay nai-turn over na sa DENR para sa rehabilitation at pag-aalaga sa mga nasabat na shipment.
Giit naman ni District Collector Alexandra Lumontad, patuloy ang Port of Clark ng BOC para protektahan ang mga border laban sa importasyon ng mga smuggled o puslit na wildlife species upang matigil ang illegal wildlife trade sa bansa.
Kommentarer