ni Mharose Almirañez | September 11, 2022
Magpapasko na naman, may love life ka na ba? Okey lang naman ang maging single sa Pasko—lalo na kung sanay ka na maging single taun-taon. Pero ang hindi okey ay ‘yung in a relationship ka, tapos bigla ka na lamang magiging single dahil sa nagbabadyang hiwalayan.
Bilang concerned citizen, to the rescue ulit ang inyong beshie Mharose upang mabigyan kayo ng relationship tips. Pero bago ang lahat, alamin muna natin kung anu-ano nga ba ang mga bagay na hindi dapat pinag-aawayan ng magkasintahan:
1. MALILIIT NA BAGAY. Hangga’t maaari ay pag-usapan n’yong maigi ang kaunting tampuhan. Kahit pa sabihin na hindi naman big deal dahil maliit na bagay lamang ‘yun, ngunit isipin mo na lamang na kapag naipon nang naipon ang kinikimkim niyang maliliit na bagay na ‘yun ay baka umapaw na siya sa tampo, selos, at galit.
2. ORAS. Walang masama sa pagde-demand ng oras sa iyong karelasyon, pero isipin mo rin na kailangan din niyang paikutin ang oras niya sa ibang bagay—hindi lamang sa iyo. Halimbawa, trabaho, kaibigan, pamilya, church, household chores, exercise, social media, at iba pang bagay without you. Bigyan mo siya ng freedom para gawin ang ilang bagay na gusto niyang gawin on his/her own. Unawain mo rin na hindi niya palaging hawak ang cellphone niya, kaya please, beshie, huwag kang magagalit kung hindi ka niya ma-update from time-to-time. Sabihin na nating nag-aalala ka sa kanya at nami-miss mo siya, for sure ay siya rin naman, ‘di ba?
3. PERA. Mapa-short term goals o long term goals man ‘yan, dapat ay mayroon kayong ipon o enough funds to spend. It’s a give and take process, kaya dapat ay pareho kayong gumagastos sa relasyon. Huwag kayong magbilangan kung sino ang may pinakamaraming ambag sa date. Kung mayroon man kayong joint account sa bangko ay huwag na huwag mong gagalawin ‘yun nang hindi ipinapaalam sa iyong partner.
4. DISTANSYA. Ipagpalagay nating taga-South Luzon ang dyowa mo, habang taga-North Luzon ka naman. Kung talagang mahal n’yo ang isa’t isa ay hindi hadlang ang distansya para magkita kayo. Hindi rin dahilan na busy siya o wala siyang pamasahe para hindi ka niya kitain, sapagkat ‘ika nga, “Kung may gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.” Jusko, beshie, North and South Luzon lang ‘yan, nahiya naman sa inyo ‘yung mga nasa long distance relationship na pilit inilalaban ang relasyon, ‘di ba?!
‘Ika nga nila, “A strong relationship requires vast communication.” Huwag kang pumayag na action speaks louder than words dahil walang mangyayari sa relasyon n’yo kung puro lamang coldness ang ipararamdam n’yo sa isa’t isa. Hangga’t maaari ay pag-usapan n’yo ang problema. Ibalik ang nawalang tiwala at sikaping magpatawad. Tandaan na ang pakikipagrelasyon ay hindi lamang puro saya. Huwag mo siyang isantabi porke nawala na ‘yung kilig— be mature enough sa pag-handle ng relationship. After all, pagsubok ang nagpapatibay ng relasyon kaya mainam kung ‘yan ang gagawin n’yong pundasyon.
High standards, red flags, self-ego… lahat ‘yan ay mawawala kapag natuto kang magmahal. Kaya kung sakaling mapunta kayo sa alanganing sitwasyon ng iyong karelasyon ay isipin mo na lamang ang mga bagay na minsan mong isinantabi nang dahil sa pagmamahal mo sa kanya.
Ngunit kung tunay ngang natauhan ka na o namulat sa pagiging bulag sa pag-ibig, well, sino nga ba ang inyong beshie para mangaral? Gayunman, sa susunod na magmamahal ka, sana ay ‘yung sigurado kang may natutunan ka sa ‘yong nakaraan. Mahirap kasi kung mauulit lamang ang pattern, ‘di ba?
Comments