ni Lolet Abania | September 26, 2021
Patay ang apat na inmates dahil sa tangkang pagtakas ng mga ito matapos ang naganap na shootout sa mga jail guards sa Lianga District Jail sa Surigao del Sur ngayong Linggo nang umaga, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa initial report ng BJMP, habang naghahanda ng agahan ang mga jail personnel para sa mga person deprived of liberty (PDL) ay bigla na lang may 11 inmates na nagawang i-hostage ang isang jailer at nanguha rin ang mga ito ng ilang armas at baril.
“’Yung duty natin sa secondary gate ay nagawa pang mag-warning shot subalit dahil na rin sa bilis ng mga pangyayari at dami ng sumugod sa kanya, maging siya ay na-overpower din at naagaw ang baril nito,” paliwanag ni BJMP spokesman Jail Chief Inspector Xavier Solda.
Agad na tinungo ng mga inmates ang second gate ng preso, kung saan sila nakipagbarilan sa mga jail guards.
Gayunman, isa sa mga jail guard ang nasugatan matapos na saksakin ng isang PDL gamit ang isang improvised bladed weapon. Tumagal ng walong minuto ang sagupaan saka bumulagta ang apat na inmates.
Hindi naman binanggit ng BJMP ang pagkakakilanlan ng mga nasawing inmates.
Ayon kay Solda, ang BJMP Caraga Region ay isinailalim na sa red alert habang iniutos naman ni BJMP chief Allan Iral na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
תגובות