ni Mylene Alfonso | March 17, 2023

Sinampahan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ng kasong paglabag sa Sections 254, 255, at 267 ng National Internal Revenue Code of 1997, as amended (Tax Code) sa Department of Justice (DOJ), ang apat na ‘ghost’ corporation na nagbebenta umano ng pekeng mga resibo na naging dahilan para
mawalan ang gobyerno ng P25.5 bilyong kita sa buwis.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso sa apat na korporasyon na hindi muna pinangalanan ng BIR habang isinasagawa ang preliminary investigation kasunod ng pagsalakay noong Disyembre 2022 na pinangunahan mismo ni Lumagui sa isang condominium unit sa Quezon City kung saan nakumpiska ang libu-libong pekeng resibo.
Nabatid sa isinagawang pagsalakay na ang naturang ghost corporation ay walang lehitimong business activity.
Layunin lamang ng pag-eestablisa ng kumpanya na magbenta ng pekeng sales invoices o resibo sa kanilang buyers para maitala ang mga maanomalyang pagbili.
“Gusto ko pong iparating sa publiko, lalo na sa mga mamamayan na nagbabayad ng kanilang tamang buwis, ang importansya nang lahat ng mga aktibidades na ginagawa ng aming ahensya lalo na ang pag-iigting ng enforcement activities namin. Hindi ko hahayaan na ang mga ganitong katiwalian ay magpatuloy, susupilin namin ito hangga’t sa aming makakayam,” dagdag ni Lumagui.
Comments