ni Lolet Abania | February 25, 2021
Nasagip ang apat na Chinese na dinukot matapos ang isinagawang serye ng operasyon sa Quezon City at Pampanga kagabi, ayon sa Philippine National Police ngayong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Debold Sinas, magkatuwang na nirespondehan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) at Anti-Kidnapping Action Committee ang isang kaso ng kidnapping sa isang babaeng Chinese.
Sa report naman na nanggaling kay PNP-AKG chief Police Brigadier General Jonel Estomo, ayon kay Sinas, nailigtas ang babaeng Chinese mula sa isang medical diagnostics clinic sa Quezon City bandang alas-6:00 ng gabi.
Sinabi ng supervisor ng establisimyento sa mga imbestigador na ang biktima ay nakatakdang sumailalim sa RT-PCR test bilang requirement nito para sa kanyang airline travel. Agad na nagtungo ang mga awtoridad sa nasabing clinic kung saan nasagip ang dinukot na biktima mula sa mga naarestong suspek na sina Liang Khai Chean, 28, Malaysian; Mou Yun Peng, 35, Chinese at Benjie Labor, 43, Pinoy.
Matapos na masagip, isinalaysay ng biktimang Chinese na marami pang kidnap victims sa isang safe house sa Mexico, Pampanga kung saan siya unang itinago. Nagtungo agad ang mga awtoridad sa sinabing lokasyon at nasagip nila ang tatlo pang dinukot na Chinese, habang walong suspek na dalawang Chinese at anim na Pinoy ang kanilang naaresto.
Ayon sa PNP, patuloy na inaalam ng AKG investigators ang pagkakakilanlan ng mga nahuling suspek.
“This successful kidnap rescue operation only goes to show the dedication and commitment of the PNP against organized crime,” ani Sinas.
Comments