ni Lolet Abania | March 16, 2022
Iminungkahi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa gobyerno na magpatupad ng isang 4-araw workweek para makapagtipid sa enerhiya at mapagaan ang sobrang gastos ng publiko sa gitna ng nararanasang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa Talk to the People ni Pangulo Rodrigo Duterte na ipinalabas ng umaga ngayong Miyerkules, sinabi ni Chua, siya ring head ng National Economic and Development Authority (NEDA), na dapat isagawa ng bansa ang tinatawag na energy conservation sa pamamagitan ng paglilimita sa galaw ng mga manggagawa, kung saan gawing apat na araw na may karagdagang oras sa kanilang duty per day.
“Siguro subukan natin ‘yung conservation of energy at isa sa halimbawa dito ay ‘yung four-day workweek. Magtatrabaho pa rin po ang bawat Pilipino ng 40 hours per week pero imbes na sa limang araw, ay apat na araw. Imbes na walong oras, magiging sampung oras kada araw,” paliwanag niya.
Ayon kay Chua, ipinatupad na ng bansa ang katulad na pagbabago noong 1990 sa panahon ng Gulf War at noong 2008 nang magtaas din ang presyo ng langis.
“Ang epekto nito ay makakatipid din imbes na araw-araw magko-commute, ay magiging apat na araw. Ito ay makakatulong din sa pag-manage ng ekonomiya natin,” dagdag pa ni Chua.
Sinuportahan naman ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, ang proposal ni Chua, aniya, sila man ay itinutulak na rin ang pagkakaroon ng energy efficiency at conservation.
“We also support the panukala na four-day workweek at tsaka ‘yung panukala na palawigin muna natin ang work from home para sa ganu’n po mabawasan ang pagbiyahe ng ating mga mamamayan,” sabi ni Cusi.
Comments