top of page
Search
  • BULGAR

4 Biblikal na pakahulugan ng kamatayan

ni Lolet Abania | October 31, 2021




Kapag dumarating ang ganitong panahon, marami sa atin ang labis ang pagdadalamhati at puno ng kalungkutan habang ginugunita natin ang mga araw na nakasama natin ang ating mga mahal sa buhay na namatay na.


Ang ating tatay, nanay, ate, kuya, bunso o maging pamilya at kamag-anak na naging parte ng ating buhay ay inaalaala natin.


Laging may kirot sa puso sa tuwing nababanggit ang salitang patay na marahil dahil na rin sa pagka-miss natin sa kanila.


Subalit, ibang-iba ang kahulugan ng kamatayan batay sa sinasabi ng Bibliya. Heto ang apat na Biblikal na pakahulugan hinggil sa kamatayan.


1.Natutulog o Asleep. Sa 1 Tesalonica 4:13-18, binanggit dito na sila ay natutulog lamang. Inihalimbawa rin ang sinabi ng Panginoong Hesus na si Lazarus ay natutulog lang at kanya itong gigisingin. Mas masayang isipin na ang ating mga kamag-anak ay natutulog lamang o nasa mahimbing na pagkakatulog dahil darating ang panahon na makakasama rin natin sila.


2. Umalis/Lumisan o Departure. Sa Filipos 1:23, ipinahayag dito ang nais na umalis at mapasa-Panginoong Hesus ng sumulat na si Apostol Pablo. Bawat isa sa atin ay nababatid kung kailan nakatakdang lumisan o umalis na madalas masayang nagpapaalam sa kanyang mga maiiwang mahal sa buhay dahil alam niyang darating ang oras na magkikita rin silang muli.


3. Pag-uwi o Homecoming. Sa 2 Corinto 5:6-8, binanggit dito ang pag-uwi ng isang indibidwal sa kanyang tunay na tahanan sa kalangitan. Kapag may umuuwing mga mahal natin sa buhay sa Panginoon, sila ay sinasalubong sa langit na puno ng kasiyahan at pagdiriwang.


4. Parangal o Commencement. Sa 2 Timoteo 4:6-8, itinuturing na isang pagtatapos na may kasamang parangal ang mga namayapa na. Binibigyan ng Diyos ng award ang sinuman sa mga nagawa niyang kabutihan at karangalan para sa kaluwalhatian ng pangalan ng Panginoon.


Sa halip na mga salitang namatay na, mas masarap na sabihin ang mga katagang ito para sa mga mahal natin sa buhay. Lagi rin nating alalahanin na mas masaya na sila sa kabilang-buhay kapiling ng ating Panginoon. (Ref. Emmanuel Ministry Institute- EMI)

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page