ni Lolet Abania | January 21, 2022
Nadakip ng mga awtoridad ang limang indibidwal na sangkot umano sa “hacking” incident na nakapambiktima ng ilang may account sa BDO Unibank Inc. na naganap noong Disyembre 2021.
Ayon sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI), ang mga naaresto ay bahagi ng “Mark Nagoyo Heist Group,” kung saan ang grupo ang nasa likod ng BDO hacking incidents na nakaapekto sa mahigit 700 customers.
Batay sa report ng ahensiya, dalawa sa naarestong suspek ay Nigerian nationals na nahuli sa entrapment operation na ikinasa ng NBI-Cybercrime Division sa Mabalacat, Pampanga noong Enero 18.
“Ang involvement nila is to synchronize ‘yung movement ng members ng group. Ino-open nila ang account, sila ang nagpapa-falsify ng mga dokumento tapos ‘yung mga downloaded amounts o downloaded cash, sila ang nagko-consolidate from different downloaders at sila rin ang nagbibigay ng payoff,” paliwanag ni National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo.
Isa pang suspek ang naaresto ng mga operatiba sa isang buy-bust operation naman sa Floridablanca, Pampanga na nagbebenta ng scampages o phishing websites na ayon sa NBI na base rin sa kanilang informant, ito ay “one of the masterminds behind Mark Nagoyo heist.”
Ani pa NBI, ang suspek ay sangkot umano sa phishing pages copying GCash wallet at phishing emails.
Naaresto naman ang dalawa pang suspek sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Pasig City at Maynila.
Pinaniniwalaan na ang dalawang suspek ay sangkot sa hacking na nagsisilbing web developer at downloader, ayon sa NBI.
“The operation stemmed from an information provided by the informant who had transactions with the subjects,” base sa statement ng NBI.
“The informant voluntarily appeared before the NBI-CCD to give information regarding several individuals believed to be leaders, members, or affiliates of Mark Nagoyo group,” dagdag na pahayag ng ahensiya.
Nasa NBI na ang mga nakalap na mga ebidensiya laban sa apat na suspek, habang inihahanda na ang kasong isasampa sa kanila.
Sa ngayon, wala pang ibinigay na statement ang BDO tungkol dito.
Comments