ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 30, 2021
Pumalo na sa 4.2 million ang bilang ng mga Pinoy na nawalan ng trabaho ngayong Pebrero simula nang tumama ang COVID-19 pandemic sa bansa, ayon sa resulta ng isinagawang Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, ang unemployment rate na 8.8% ngayong Pebrero ay mas mataas noong January kung saan nakapagtala ng 8.7%.
Pumalo naman sa 18.2% ang underemployment rate ngayong Pebrero kumpara sa 16% noong nakaraang buwan, ayon sa PSA. Ang unemployment rate ngayong Pebrero ay itinuturing na ikatlo sa pinakamataas simula noong Abril, 2020 kung saan naitala ang 17.6% dahil sa kasagsagan ng strict nationwide lockdown na dulot ng COVID-19.
Saad pa ni Mapa, “Simula Pebrero, 2021, ang buwanang LFS ay isasagawa sa pagitan ng quarterly o regular na LFS upang magkaroon ng high frequency data on labor and employment bilang isa sa mga basehan sa paggawa ng polisiya at plano, lalo na iyong may kinalaman sa COVID-19.”
Ayon din kay Mapa, ang epekto naman ng bagong COVID-19 restrictions ay malalaman sa gagawing survey ngayong April, 2021.
Samantala, ang mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ay ang National Capital Region, Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Comments