ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2024
Magbabalik ang malakasang 3x3 sa Half Court 3x3 Basketball Training Camp and Tournament na tatakbo ng tatlong linggo sa Okada Manila ngayong Setyembre. Bubuhayin muli ang laro na ang malaking layunin ang makapasok ang Pilipinas sa Los Angeles 2028 Olympics.
Binubuo ang organizer Half Court Group nina Coach Mau Belen at kanyang mga dating manlalaro sa TNT Triple Giga Samboy de Leon, Matthew Salem at Chester Saldua. Matapos mahinto ang PBA 3x3, nakahanap ng pagkakataon ang grupo na ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng laro na napatunayang angkop sa panlasang Filipino dahil ito ay mabilis at puno ng aksyon.
Magkakaroon ng mga torneo para sa lalake at babae sa Set. 7 at 8 at 14 at 15 at tutuldukan ng Grand Finals sa Set. 21 at 22. Kasabay nito ay magkakaroon ng 3x3 kampo sa umaga para sa mga kabataan na hahatiin sa edad 7 hanggang 11 at 12 hanggang 18.
Ang magiging kampeon sa lalake ay ipadadala sa Pocheon Challenger sa Timog Korea mula Okt. 12 at 13. Qualifier ito para sa World Tour Shenzhen Masters sa Tsina sa Nob. 16 at 17. Ayon kay Coach Belen, maganda ang maagang tugon at malapit na mabuo ang inaasam na 16 koponan. Asahan na mapapanood muli ang ilang mga beterano ng Chooks 3x3 at PBA 3x3.
Sa panig ng kababaihan, napipisil na makabuo ng mga koponan para sa 2025 FIBA 3x3 Women's Series. Ngayon pa lang ay nagpahiwatig ng paglahok ang Gilas Pilipinas, Uratex Dream at ilang mga dating manlalaro ng UAAP.
Sa pagwakas, nangako ang Half Court Group na itataas ang bansa sa World Ranking. Kasalukuyang nasa ika-37 ang mga lalake habang ika-23 ang mga babae.
Comentários