top of page
Search
BULGAR

3X3 President's Cup humahanap ng hahamon sa mga Beterano

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 08, 2021




Magsisimula ngayong Oktubre 19 ang 2021 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup, hudyat ng pagbabalik ng aksyon sa orihinal at pinakaunang ligang propesyonal ng 3X3 sa bansa sa LausGroup Events Center sa City of San Fernando, Pampanga. Mahigit P2,500,000 ang nakahanda para sa mga magwawagi sa apat na yugto at Grand Finals.


Ngayong taon, bibigyan ng pagkakataon ang publiko na magbuo ng sariling koponan at hamunin ang mga beterano ng 3X3 bilang isa sa 12 kalahok. Maaaring magpadala ng email sa chookspilipinas@gmail.com ang lahat ng mga interesadong maglaro.


Pagkatapos ng torneo sa Oktubre 19 ay susunod agad ang pangalawang yugto sa Oktubre 20. Magpapahinga saglit ang liga at babalik para sa ikatlo at ika-apat na yugto sa Nobyembre 17 at 18.


Ang Grand Finals ay nakatatakda para sa Nobyembre 20 kung saan ay may naghihintay na P1,000,000 para sa pangkalahatang kampeon. Hindi malayo ang P500,000 sa pangalawa at P200,000 sa pangatlong koponan.


Maliban sa gantimpalang salapi, bibigyan ng pagkakataon ang mga kampeon na katawanin ang Pilipinas sa FIBA 3X3 World Tour Abu Dhabi Masters ngayong Oktubre 29 sa United Arab Emirates. Kinatawan ng Manila Chooks TM nina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Dennis Santos, Mark Yee and Chico Lanete ang Pilipinas sa mga naunong yugto ng World Tour ngayong taon sa Doha, Qatar at Montreal, Canada.


Noong 2020, matagumpay na isinagawa ang President’s Cup sa loob ng Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna. Tinanghal na kampeon ang Zamboanga City na binubuo nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Leonard Santillan at Troy Rike.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page