ni Gerard Arce @Sports | June 30, 2024
Macau, China - Mananatiling malaking hadlang para sa pagpuntirya ng ikatlong titulo sa Asya ni two-time champion at six-time World medalist Sydney Sy-Tancontian ang mahigpit na katunggaling si World No.1 Arailyn Abenova ng Kazakhstan sa women's +80kgs division, habang sasalang din sa mabigat na laban si dating Southeast Asian Games titlist Chino Sy-Tancontian sa men's under-98kgs division sa 2024 Asia-Oceania Sambo Championship sa Forum de Macau Stadium.
Magbabalik sa prestihiyosong kompetisyon ang Davaoena multi-medalist para pangunahan ang Philippine national squad na layong buhatin ang bandila ng bansa sa pinakamataas na torneo sa Asian Region matapos pagreynahan ang 2019 New Delhi, India at 2022 Jouneih, Lebanon edisyon. Muling makakatapat ng 24-anyos na three-time SEA Games medalist ang Kazakh samboist na makailang beses nakatapat sa iba't ibang torneo.
Matagal mang nabakante sa balibagan ang dating two-time UAAP gold medalist at Rookie of the Year mula sa University of Santo Tomas matapos maging abala sa mga gawain ng International Sambo Federation (FIAS) bilang chairperson ng FIAS Athletes Commission. "It's always an honor and privilege to serve our country in all types of combat sports, especially in what I love truly most. We're hoping and looking up to deliver and produce what the country is expecting on us ," pahayag ni Sy-Tancontian, na lubos ang pasasalamat sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at sa international at local federation.
Nakatakda namang sumabak sa unang laban si Chino kontra kay Bolat Sapar ng Kazakhstan, habang maaaring makatapat nito ang dating Japanese Samboist na si Kenichi Nakayama.
Sasabak din si Paris champion Aislinn Yap sa women's under-80kgs class na layong mahigitan ang tansong medalya noong isang taon sa Kazakhstan.
تعليقات