ni Mylene Alfonso | June 30, 2023
Dismayado si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mababang turnout ng mga healthcare workers na nagpaturok ng bivalent COVID-19 vaccine.
Ayon kay Lacuna na isa ring doktor, mababa ang bilang ng mga nagpabakuna kahit na 32,000 doses na bivalent vaccine lamang ang ipinagkaloob ng national government makaraang pangunahan ang rollout ng bivalent vaccines sa Sta. Ana Hospital.
"Medyo mababa, I have to be honest mababa po. A1 pa lang and kagaya po sa ibang ospital natin hindi pa po kasi tayo puwede magpabakuna ng bivalent vaccine hangga't hindi tayo nakaka-two booster doses. Marami pa po na kahit medical health workers ang wala pa ring second booster," pahayag ni Lacuna sa ginanap na pulong balitaan ng Manila City Hall Reporters' Association sa Harbor View Restaurant.
Ipinaliwanag ni Lacuna na itinuturing bilang third booster ang bivalent at dahil dito, kailangang magkaroon muna ng first at second booster shots bago maturukan ng third booster.
"Halimbawa sa isang ospital 600 ang dapat na magpabakuna eh ang nagpapa-second booster pa lang sa kanila ay 400. So, 'yung 400 lang 'yung puwedeng mag-avail nu'ng bivalent vaccine," wika pa ng alkalde.
Ayon pa sa lady mayor, siya at ang mga health cluster ng lungsod ay nag-uusap na magbibigay sila ng palugit na isang linggo at pagkatapos ay ibibigay na nila ito sa senior citizens na kabilang din sa priority groups.
Ang pagluwag ng restriksyon sa health protocols ang dahilang itinuturo ng alkalde sa kawalan ng interes na magpaturok ng bivalent shots kabilang na rito ang tuluyang pag-alis ng public health emergency status ng World Health Organization.
"Hindi na kasi siya requirement, tapos kung magkakaroon man ng symptoms ng COVID, hindi na ganu'n kalala. Siguro rin hindi na po ganu'n katakot ang mga tao," saad niya.
Comentários