top of page
Search
BULGAR

3K dagdag-trabaho sa bagong railway project

ni Mylene Alfonso @News | July 14, 2023




Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na makalilikha ng 3,000 bagong trabaho at pakikinabangan ng 800,000 mananakay kada araw sa sandaling matapos ang pagpapatayo ng South Commuter Railway Project (SCRP) sa taong 2029.


Ang SCRP ay bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) System, isang major railway project na nag-uugnay mula sa Pampanga, Bulacan, Metro Manila at Laguna.


“I am also happy to note that we are anticipating the generation of approximately 3,000 jobs once civil works for these sections begin,” wika ni Marcos sa kanyang talumpati makaraang saksihan ang paglagda sa Contract Packages S-01, S-03A, at S-03C sa Palasyo kahapon.


"With the signing of these three contract packages that cover a total of around 14.9 kilometers of at-grade and railway viaduct structures, we will be a step closer to our goal of serving around 800,000 commuters daily by 2029," ani Marcos.


Sa pinagsamang gastos na mahigit P52 bilyon, sakop ng civic contract packages ang 14.9 kilometro na elevated at ground-level na mga riles, kabilang ang anim na bagong istasyon ng tren na itatayo sa Blumentritt, Buendia, EDSA, Senate, Bicutan, at Sucat.


Habang ang ibang istasyon ay ikokonekta naman sa iba pang rail systems kabilang dito ang pagpapatayo ng elevated pedestrian connection sa mga kasalukuyang istasyon ng tren tulad ng Blumentritt Station sa LRT 1 at EDSA Station kasama ang MRT 3 Magallanes Station.


Nabatid na itatayo ang Senate Station malapit sa Senate Subway Station at ang Bicutan Station ay gagamitin naman ang platform na nasa Bicutan Subway Station.


Matatandaang sinuspinde ang operasyon ng Philippine National Railways nang limang taon upang bigyang-daan ang pagtatayo ng NSCR.


Pinasalamatan ni Marcos ang Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency (JICA) upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page