ni Jasmin Joy Evangelista | February 7, 2022
Bakunado na kontra COVID-19 ang 37 miyembro ng Mamanwa tribe na nakatira sa isang remote area sa bayan ng Almeria sa Biliran.
Ang mga nasabing Mamanwas na nakatira sa Barangay Caucab ay naturukan ng Janssen vaccine, ayon kay Jelyn Lopez Malibago, regional information officer ng Department of Health (DOH).
Ang vaccination drive sa naturang lugar ay isinagawa ng mga health workers doon, na nasa apat na kilometro ang layo sa Almeria town proper.
Sa 37 Mamanwas na nabakunahan, 9 dito ang kabilang sa pediatric group.
Ayon kay Malibago, nasa 773, 395 indibidwal mula sa iba’t ibang parte ng Eastern Visayas ang nakatanggap na ng bakuna sa kasagsagan ng kanilang three-day vaccination campaign.
Sa naturang bilang, 299,351 ang mula sa Leyte province na kinabibilangan ng Tacloban City; Samar na may 146,209; Northern Samar, 124,563; Southern Leyte, 96,560; Eastern Samar, 80,409 at Biliran, 19,304.
Batay sa tala ng DOH, mahigit 2.21 milyong indibidwal na sa nasabing rehiyon ang fully vaccinated kontra COVID-19. Ito ay mahigit 45 percent na ng populasyon nitong 4.86 milyon.
Comments