ni Lolet Abania | November 2, 2021
Umabot na sa kabuuang 37,964 kabataan na may comorbidities edad 12 hanggang 17 ang nabakunahan kontra COVID-19), ayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC).
“Nagsimula na ‘yung ating rollout ng comorbidities sa 12 to 17 years old sa iba’t ibang panig ng ating bansa noong October 29,” ani NVOC chairperson Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.
Hanggang Oktubre 31, ayon kay Cabotaje nasa 59.3 milyong doses na ang kanilang na-administer sa buong bansa. Tinatayang 31.9 milyong indibidwal ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines habang 27.3 milyon naman ang mga fully vaccinated.
Aniya pa, 1.6 milyon o 99.75% ng mga health workers ang nakatanggap ng unang dose habang 1.5 milyon o 95.35% nabigyan na ng dalawang doses.
Sinabi rin ni Cabotaje na patuloy naman ang kanilang panawagan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 ng mga senior citizens.
Sa ngayon, nasa 5.1 milyon o 62.30% ng senior citizens ang nakatanggap ng first dose habang 4.7 milyon o 57.65% ang mga fully vaccinated na, bahagyang tumaas ito kumpara sa 56.22% na unang nai-report ng kalihim.
Ayon kay Cabotaje, nahihirapan ang gobyerno na makamit ang target na 70% bakunadong indibidwal dahil sa pag-aatubili ng ilan sa mga COVID-19 vaccines.
“Ang naging problema natin nu’ng umpisa, alam niyo naman, kulang ‘yung bakuna. Ngayon naman po ay sagana tayo sa bakuna, ‘yung pag-eenganyo naman sa medyo may hesitancy,” saad ni Cabotaje.
“But with the opening of the rest of the adult population… sana mapag-ibayo din ng ating pagbabakuna ng 12 sa magiging 12 and above na,” sabi pa ng opisyal.
Comentários