ni Mary Gutierrez Almirañez | February 11, 2021
Kahapon lang napag-alaman ng Quezon City government na sa Riverside, Bgy. Commonwealth nanunuluyan ang 35-taong gulang na OFW na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 noong Enero 18 gayung Pebrero 5 pa natuklasan ng Philippine Genome Center na positibo ito at itinuturing na pang-walong kaso ng UK variant sa bansa.
Humihingi ng paliwanag si Mayor Joy Belmonte sa Bureau of Quarantine kung bakit pinayagang makalabas sa quarantine hotel ng Maynila ang lalaking OFW. Inaalam na rin ng pamahalaang lungsod ang pananagutan ng manning agency ng OFW sa hindi pagsunod sa quarantine protocol lalo’t ang agency pa mismo ang nag-book ng sasakyan nito papunta sa tinutuluyang apartment sa Riverside Commonwealth, Quezon City.
Ayon sa ulat, Agosto pa noong nakaraang taon nang dumating ang lalaki sa Liloan, Cebu galing abroad. Nu'ng Nobyembre ay bumiyahe na ito papuntang Maynila para asikasuhin ang mga papeles pabalik abroad.
Mula noon ay hindi na ito nakabalik sa Liloan. Matatandaang inihayag ng Department of Health na positibo sa UK variant ang dalawang residente ng Cebu. Naunang nagpositibo ang 54-taong gulang na lalaking balikbayan na residente ng Talisay City. Kalauna’y nakarekober din ito.
Samantala, nagpapagaling pa ang 35-taong gulang na taga-Liloan at ngayong araw ay nakatakdang ilipat sa home facility ng Quezon City upang doon sumailalim sa quarantine.
Sa ngayon ay puspusan na ang contact tracing at testing sa lungsod.
Comments