ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 4, 2024
Para saan nga ba ang pagdiriwang ng kaarawan?
Ito ba ay para mapagmuning 12 buwan na ang lumipas sabay ang pangangatwirang may espesyal na karapatan ang nagdiriwang na magpakasasa sa pagpapak ng keyk at sorbetes na tila wala nang darating na bukas? O simpleng palusot rin ba ito upang magpakalasing kahit delikado sa atay o magbabad sa mikropono sa nakaririnding kantahang walang pakialam sa gusto nang matulog na mga kapitbahay?
Sa mas magandang banda, kaugalian rin ng karamihan ang salubungin ang kanilang kaarawan ng pagdarasal o pagsimba o pagsamba sa tahanan ng kabanalan o simbahan kasama ang mga mahal sa buhay bilang pasasalamat sa Dakilang Maylikha sa hudyat ng panibagong taon ng kanilang buhay.
Magsimba man o hindi, mauuwi’t mauuwi pa rin sa pagpapasalamat ang nagdiriwang ng kaarawan. Dala ito ng ulan ng kung hindi man regalo ay mga pagbati ng mga kapamilya, kaibigan, kaulayaw, at katrabaho sa maraming paraan, gaya ng tawag o text, komento o mensahe sa social media o pagkatok mismo sa tahanan. Kung sadyang mapalad, baka ma-shout out ka pa sa malawakang media.
Hindi maikakailang ang kaarawan ay okasyon ng kasiyahan. Sa araw na ito ay maaaring gamitin ang birthday leave na pribilehiyo sa opisina o kaya ay magpapansit para sa mapangantiyaw na mga kasalamuha sa trabaho o paaralan o tahanan. Nakasanayan na ngang ang may kaarawan ay inaawitan hindi lamang ng pagbati kundi ng blowout, habang siya mismo ay binubusog ng mga ngiti at yakap ng mga kasamahang may kanya-kanyang sorpresa sa may kaarawan. Mainam din na kumuha ng maraming larawan ng naturang selebrasyon upang magsilbing mahuhugot na baon ng alaala sa hinaharap, lalo na sa panahon ng pagsubok kung kailan ang masasayang sandali ay sandalan ng katatagan at pananagumpay sa hamon ng kasalukuyan.
Ngunit ang pinakamatimbang na halaga ng kaarawan ay ang okasyong ito ng malalim na pasasalamat — makapagpasalamat sa Dios, sa biyayang buhay at lahat ng tinamasa sa nagdaang mga taon, sa kasalukuyang dinadaluyan ng panibagong pangako, at sa bagong basbas ng hinaharap.
Makapagpasalamat para sa patuloy na paghinga at kalakasan sa gitna ng pag-edad at iba’t ibang naranasang yugto ng buhay.
Makapagpasalamat sa mga nakamit na kaginhawahan o tagumpay gaano man kaliit o kalaki lalo na kung hindi inaasahang dumating nang mas maaga o mas mabilis sa mga kagila-gilalas na paraan.
Higit sa lahat, ang kaarawan ay pagkakataon upang maging mapagpasalamat hindi lamang sa mga natanggap na biyaya kundi lalo na sa pagiging daan upang mabiyayaan ang kapwa, pati ang mga natanggap na pagkakataong maging biyaya sa iba.
Lumalabas tuloy na ang pagpreno — nang kahit mabilisan lamang — sa samu’t saring asikasuhin upang masulit ang kaarawan ay may kaloob na kahit ilang sandali upang mapagmasdan ang sariling kalagayan, masilayan ang inaasam na paroroonan at magnilay-nilay kung paano pa mapapalakas ang ating pagiging makabuluhan sa mundo at sa mga katuwang at kaagapay sa buhay.
Naisasapuso’t diwa natin ang lahat ng ito, giliw na mambabasa, dahil kaarawan nitong Lunes ng ating paboritong pahayagan, ang BULGAR. Tatlong dekada’t tatlong taon nang patuloy sa walang patid na pagbabalita, pagbibigay impormasyon at pagbabahagi ng pananaw ang ating lubos na tinatangkilik na diyaryo.
Marami mang pagbabago ang naranasan na’t mararanasan pa ng ating lipunan, marami mang nagbabadyang hamon sa industriya ng pamamahayag, hindi man laging maaliwalas ang panahon, walang humpay ang ating batikan at butihing peryodiko sa pagiging asintado sa paglalayong maging bukod-tanging boses ng masa at mata ng bayan.
Biyayaan nawa ang ating pahayagan at ang kapita-pitagang pamilya Sison sa pangunguna ng ating minamahal na Ginang Leonida Bonifacio Sison, at lahat ng masisigasig na tauhan sa likod nito ng patuloy na lakas, talino, malasakit at kakayanang maging biyaya para sa taumbayan.
Gayundin, patuloy nawang pukawin ang isip at puso ng ating mga mambabasa upang walang pag-aatubiling maging hulog ng langit para sa kapakanan ng mas nangangailangan o mga pinanlulumo ng panahon para sila'y makabangon.
Maligayang ika-33 na taong anibersaryo, BULGAR! Mabuhay!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments