top of page
Search
BULGAR

33 patay sa leptospirosis sa Kyusi

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 14, 2023




Tumaas ng 108.27% ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Oktubre 7 ng taong ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Quezon City local government unit ngayong Sabado.


Base sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance, mayroong 277 na kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Oktubre 7, 2023.


Ang District 2 ang may pinakamaraming kaso na may 72. Samantala, ang District 5 naman ang may pinakakaunting kaso na may 28.


Samantala, ayon sa LGU, may 33 kaso ng leptospirosis sa lungsod ang nagdulot ng kamatayan.


Ang mga may sintomas ng leptospirosis ay pinayuhan na agad na pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para sa tamang medikal na atensiyon.


Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksiyon na dulot ng leptospira bacteria, na karaniwang inilalabas ng mga hayop sa pamamagitan ng pag-ihi. Karaniwang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga daga.


Maaari ring magdala ng leptospira bacteria ang mga baka, baboy, at aso. Mahalaga na maging maingat sa mga sintomas ng leptospirosis kapag nakararanas ng paglusong sa baha, lalo na kung may mga sugat sa binti at paa.


Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat, sakit ng ulo, panginginig, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagtatae, at pamamantal. Gayunpaman, may mga apektadong indibidwal na maaaring walang anumang sintomas.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page