top of page
Search

33 pangunahing bilihin, isinailalim sa price increase request list – DTI

BULGAR

ni Lolet Abania | March 27, 2022



Umabot sa kabuuang 33 ng basic necessities and prime commodities (BNPC) ang nakabilang sa tinatawag na price increase request list dahil na rin sa sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng langis sanhi ng labanan sa pagitan ng Ukraine at Russia, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Linggo.


Sa isang radio interview kay DTI Secretary Ramon Lopez hinggil sa epekto ng Ukraine-Russia war, sinabi nito, “Meron na hong mga paggalaw, nakita naman natin. Actually ‘yung hindi covered ng BNPC, nai-report sa atin sa grocery stores at supermarkets, may mga pagtaas din.”


“’Yung covered ng BNPC, mula naman nung nag-umpisa itong giyera, wala pang adjustment. Actually may nag-submit ng request ng adjustment at ‘yun ‘yung pinag-aaralan nga ng DTI. I think mga around 33 products,” dagdag ng opisyal.


Ayon kay Lopez, ilan sa mga naturang 33 produkto na napabilang sa listahan ng hiling na taas-presyo ay gatas, at canned goods gaya ng sardines at meatloaf.


Sa ngayon ay tinitingnan na ang mga ito ng Consumer Protection Group ng DTI upang madetermina ang magiging cost adjustments nito.


Noong Enero 2022, nagbigay ang DTI ng updated na suggested retail prices (SRP) para sa BNPCs gaya ng canned goods at iba pang produktong pagkain, bottled water, dairy, at karaniwang gamit sa bahay o kitchen supplies.


“Hindi naman natin tinatanggal itong SRP system natin para gabay ito doon lalo na sa basic necessities and prime commodities. Ibig sabihin, mino-monitor ito. Ito ‘yung bago maka-increase ‘yung manufacturers, dumadaan muna sa DTI para kung papayagan kung gaano kalaki lang ang pwede,” paliwanag ni Lopez.


Una nang sinabi ni DTI Assistant Secretary Ann Cabochan na ang ahensiya aniya, “is not keen on implementing a price freeze on basic necessities as Republic Act No. 7581 or the Price Act has mechanisms in place for mandating so.”

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page