ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 21, 2024
KATANUNGAN
May girlfriend ako ngayon at inaaya niya na akong magpakasal. Sa August kasi ay magti-32 na siya habang ako naman ay magti-34 na sa December.
Pero, hindi niya alam na may isa pa akong girlfriend, na kasalukuyang nasa abroad. Bihira lang kami mag-usap, ngunit hindi pa naman kami nagbe-break.
Maestro, gusto ko lang malaman kung sino sa dalawang babaeng ito ang makakatuluyan ko? Ito bang nakakasama ko ngayon o ang girlfriend ko na nasa abroad? Ang nobya ko na nasa abroad ay isang beses sa isang buwan ko lang nakakausap, ang palagi niyang kinakatuwiran ay busy at maraming siyang trabaho sa abroad.
KASAGUTAN
Makipag-break ka muna nang maayos sa girlfriend mong nasa abroad, bago ka magpasyang magpakasal d’yan sa girlfriend mo na kasalukuyang nandito sa Pilipinas.
Sa ganu’ng paraan, kapag kinausap mo nang maayos ‘yung girlfriend mo na nasa abroad, ‘di ka na makokonsensya sa gagawin mo at wala ka na ring magiging problema kung sakali mang ikasal kayo ng girlfriend mo.
Samantala, ayon sa pag-aanalisang pang-Astrology, ang zodiac sign mong Capricorn ang nagsasabing kung sino sa dalawang girlfriend mo ang isinilang sa zodiac sign na Virgo o Taurus, siya ang posible mong mapangasawa, na madali namang kinumpirma ng mas mahaba at mas makapal na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa maikli at medyo malabong unang Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, ang “second girlfriend mo” na siyang narito sa Pilipinas, ang sure mong mapapangasawa sa ayaw at sa gusto mo. Sa bandang huli, siya na ang iyong makakasama sa pagbuo ng isang simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Jerald, hindi naman maganda kung magpapakasal ka na sa kasalukuyan mong girlfriend na narito sa Pilipinas at pagkatapos ay hindi ka pa nakikipagkalas sa girlfriend mo na nasa ibang bansa.
Sa madaling salita, ang pinakamainam mong dapat gawin ngayon ay kausapin ang girlfriend mong nasa abroad, at makipag-break. Nang sa gayun ay matupad at maganap na ang nakatakdang mangyari na sa susunod na taon, sa buwan ng Disyembre at sa edad mong 34 pataas, ang nobya mong narito sa Pilipinas ang siya mo na ngang mapapangasawa.
Comments