top of page
Search
BULGAR

30 M kilong baboy na nakalusot, buking, BOC kinuwestiyon

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 15, 2021




Kinuwestiyon ni Senator Francis Pangilinan ang 30 milyong kilo ng baboy na nakalusot sa record ng Bureau of Customs (BOC), gayung naitala iyon ng Bureau of Animal Industry (BAI), batay sa panayam sa kanya ngayong umaga, Abril 15.


Aniya, “’Yan ang gusto nating ipaliwanag, posibleng smuggling ‘yan dahil ito ‘yung mga dokumentong isinumite sa Committee on Agriculture sa Senate ng Bureau of Animal Industry at ng Bureau of Customs. Hindi pareho.”


Paliwanag niya, “256 million kilos ang pumasok sa bansa last year. Sa record nila, 225 million kilos lang. So, kulang ng 30 million.”


Nilinaw ni Sen. Pangilinan na kapag hindi iyon naipaliwanag ng BOC ay ituturing na smuggled ang 30 milyong kilo ng baboy na hindi nai-report sa Senate. Kinuwestiyon din niya kung paano iyon mapapatawan ng buwis kung walang rekord.


Sabi pa niya, “Kinakailangan, lahat ng imported goods ay dumaan sa Customs. Eh, ito, wala sa record ng Customs… Kulang ng 30 million kilos ng karneng imported. So, ano ‘yun?”


Iginiit din niya ang mahigit 5,020 foot containers na hindi nainspeksiyon ng BOC, batay sa iniulat ng Department of Agriculture at Compliance and Regulatory Enforcement for Security and Trade Office (CREST-O) sa naganap na hearing nitong Lunes.


“Sila ang nag-report n’yan, ha? Hindi galing sa ‘min ‘yan. DA created CREST-O para nga mabusisi itong mga imports na ito. Du’n lumalabas ‘yung bogus na mga importer. 'Yung address, mali ‘yung address. Walang kapasidad. Sila mismo ang nagsabi, 5,020 footers ng karne ang maaaring nakalusot na mga importer na ito na bogus.”


Sa ngayon ay wala pang sagot ang Bureau of Customs hinggil sa nakalusot na 30 milyong kilo ng baboy, kung saan mahigit $90 million ang naging discrepancy, mula sa $3 per kilo ng baboy.

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page