ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 6, 2021
Malinaw ang kuha ng mga body-worn cameras (BWCs) na gagamitin ng mga pulis sa pagsasagawa ng mga operasyon kahit sa gabi dahil sa auto-night mode nito na kayang mag-detect ng mga bagay hanggang 10 meters na layo, ayon kay Philippine National Police Chief General Guillermo Lorenzo Eleazar.
Saad pa ni Eleazar, “May mga operation na isinasagawa sa gabi and this was anticipated during the review of what type of body cameras would be procured by the PNP. Kaya nga ‘yung bilin ng mga nakaraang liderato ng PNP ay kung bibili ay ‘yung the best na at magagamit araw man o gabi o kahit masama pa ang pahanon.
“‘Yung mga police operations naman kasi ay walang pinipiling oras ‘yan at lugar. Basta natunugan ng ating mga operatiba ay sugod kaagad. But this time, para ru’n sa mga mabibigyan, they must ensure na nakakabit ang body cameras at naka-on.” Water-proof din umano ang mga BWCs at naire-record din ang audio at video sa loob ng 8 oras.
Ang lahat ng datos na maire-record pagkatapos ng operasyon ay direktang dadalhin sa PNP Command Center para sa management at monitoring.
Ayon din kay Eleazar, papatayin lamang ang BWCs kapag tapos na ang operasyon o kapag nai-turn-over na ang suspek sa detention facility.
Samantala, 2,696 ang kabuuang bilang ng mga BWCs na binili ng PNP na naipamahagi na sa 170 police stations. Saad pa ni Eleazar, “So ang binili natin dito ay hindi lang ‘yung 2,696 units ng body cameras but the entire system ng recording and real-time transmittal of the audio-video recording.”
Aniya, 30,000 BWCs pa ang kailangan para mabigyan ang lahat ng mga police stations sa bansa.
Dagdag pa ni Eleazar, “Napakalaki pang budget ang kailangan dito pero tayo ay umaasa na makakakuha tayo ng suporta sa Kongreso sa mga darating na taon upang mawala na talaga ang pagdududa sa lahat ng operasyon na gagawin ng ating kapulisan.”
Comments