Dear Roma Amor - @Life & Style | November 30, 2020
Dear Roma,
Isa akong OFW at 30-anyos na walang asawa o anak. Gayundin, wala na akong mga magulang at may sariling pamilya na ang mga kapatid ko. Dahil malaki ang aming pamilya at malayo ang age gap namin, nakita ko ang naging lifestyle ng mga kapatid ko— bili ng gadgets, barkada, luho hanggang sa mga nagkaasawa silang lahat at ang ending, lubog sila sa utang.
Dahil ako ang walang responsibilidad, ako ang takbuhan nila. Masakit man sa loob ko dahil hindi biro ang trabaho rito, hindi ko sila matiis. Wala silang matatakbuhan at naeeskandalo pa ng mga pinagkakautangan. Minsan, tinatanong ko na lang ang sarili ko, bakit ako ang nagsa-suffer sa mga maling desisyon nila? Walang natitira para sa sarili ko dahil iniisip ko kung pano kikita ang pera.
May mga trabaho sila pero hindi sapat para maibayad sa lahat ng utang. Hindi ako makapag-ipon dahil lagi ko silang inuuna. Walang nagbabago sa sistema namin, at dahil sila na lang ang meron ako, hindi ko sila mapabayaan. Pero paano naman ako? Monthly ako nagpapadala sa ‘Pinas para sa mga gastusin nila at bukod pa ru’n, pinadadalahan ko rin ‘yung iba kong kapatid na may utang din.
Gusto ko na lang biglang mawalan ng contact sa kanila para naman makapag-focus ako sa sarili ko, pero ‘di ko magawa. Alam ko na kung nabubuhay ang mga magulang ko, matutuwa sila na nakakatulong ako sa mga kapatid ko kaya ‘yun ang ginagawa ko. Pero nakakapagod din kasi, ano bang dapat kong gawin? —Pam
Pam,
Hindi talaga nawawalan ng family member na todo-asa sa kapamilyang nakakaluwag-luwag kahit ‘di nila alam kung gaano kahirap kumita ng pera. Pero sa totoo lang, puwedeng-puwede mo silang tanggihan dahil tulad ng nasabi mo, may mga trabaho sila at sariling pamilya, malamang, kaya nilang tustusan ang kanilang pangangailangan, baka hindi lang sila gumagawa ng paraan. Siguro, panahon na para tapatin mo sila. Ipaliwanag mong gusto mo ring makapagpokus at makaipon para sa sarili mo. Kung hindi talaga kayang tustusan ng trabaho nila ang mga gastos at utang, mas mabuti sigurong tulungan mo silang magkaroon ng iba pang pagkakakitaan tulad ng negosyo para kahit paano, maunawaan nilang dapat paghirapan ang pera at hindi hinihingi lang.
Gayundin, tanungin mo ang iyong sarili na kung pagtanda mo, matutulungan ka ba nila? Kung sila ay may mga anak na maaasahan, paano naman ikaw? Hanggang kaya mo magtrabaho at mag-ipon para sa sarili mo, gawin mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay puwedeng idahilan na mahalaga ang pamilya dahil darating pa rin ang panahon na dapat mong kayanin mag-isa. Okie? God bless!
Comments