ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 2, 2023
Magbibigay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng hindi hihigit sa tatlong linggo bilang transition period para sa mga bagong halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Ipinaliwanag ni DILG Secretary Benjamin 'Benhur' Abalos Jr. na mahalaga ang itinakdang transition period dahil ito ang magtatakda ng pagkakaiba kung maaari o hindi agad magtatrabaho ang bagong mga opisyal.
“Ang transition period na binibigay natin ay three weeks. Napaka-importante na ma-turn-over sa mga bagong opisyal properly ang properties ng barangay. Ilang computer ‘yan, ilang kotse ’yan. Are they in good condition?’’ binanggit ni Abalos.
Upang tiyakin ang magaan na transisyon, inihayag ni Abalos ang paglalabas ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2023-166, na maaaring gamitin ng mga bagong-halal na opisyal ng SK at barangay bilang gabay bago at habang namamahala sila ng kanilang opisina.
“Likewise, outgoing barangay officials were instructed to submit the final inventory of the Barangay and SK properties, financial records, documents, and properties (PFRDs) and money accountabilities and to ensure turnover of the same to the incoming or newly elected officials,’’ pahayag ng DILG.
“Ayaw po nating magkagulo. Inuulit ko po ang announcement na ito sapagkat this will cover all the barangays and SK sa (buong) Pilipinas. Pagka-oath mo, coordinate with our DILG officer na nasa ground at binigyan namin sila ng instructions dito na magkaroon ng proper turnover,’’ dagdag ni Abalos.
Sinabi rin ng DILG chief na naatasan siyang maglabas ng mga guideline matapos ang payo ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga nanalong mga kandidato sa barangay at SK election, pagkaraang silang iproklama at manumpa sa kanilang tungkulin, ay maaring maaga nang mamahala ng opisina.
Comentários