ni Lolet Abania | February 14, 2021
Tatlong indibidwal ang naitalang nagpositibo sa test sa UK variant ng COVID-19 sa Davao Region, ayon sa Department of Health (DOH).
Dalawa sa tatlong pasyente ay mula sa Davao de Oro na isang 33-anyos na lalaki ng Compostela at isang 54-anyos naman na babae na taga-New Bataan. Ang isa pa rito ay ang unang nai-report na 10-anyos na batang lalaki na galing sa Davao Region.
Agad na nagpulong ang Department of Health Region 11 at ang local government units ngayong Linggo upang magsagawa ng pagresponde sa kaso ng UK COVID-19 variant sa naturang lugar.
Gayundin, ang mga awtoridad ay nagsasagawa na ng contact tracing upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Samantala, inanunsiyo naman ng DOH Central Visayas na 60 sa 70 mga samples na ipinadala ng ahensiya sa Philippine Genome Center para sa genomic sequencing noong nakaraang linggo ay nagnegatibo na sa test sa B.1.1.7 variant o UK COVID-19.
Gayunman, ang natitirang sampu ay patuloy na nagsasagawa ng sequencing.
Kasama na ang tatlong ito sa 44 naitalang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa.
Comments