ni GA - @Sports | May 13, 2022
Tiwala ang Kurash Sports Federation of the Philippines na makukuha nila ang gintong medalya sa nalalabing tatlong kategorya ngayong hapon matapos sumungkit ng anim na medalya sa unang dalawang araw ng kompetisyon sa 31st Southeast Asian Games sa Hoai Duc Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Inihayag ni national head coach Dennis Catipon na malaki ang tsansa na makukuha nila ang inaasam na gold medals mula kina 2019 SEAG lone gold medal winner Estie Gay Liwanen, silver medalist Bianca Estrella at beteranong si Jack Escarpe.
Nanghinayang ang dating SEA Games medalists turn national coach sa hindi pagkakapanalo ng ginto nina Charmea Quelino sa women’s 52kgs at Sydney Sy Tancontian sa women’s +87kgs category.
“Medyo okay naman 'yung naging performance nila, kaso nabitin lang tayo sa gold medal. Medyo pumabor talaga sa host country kaya sayang 'yung dalawang silver kahapon (Martes). Pero panigurado malalakas na naman 'yung mga lalaro sa atin sa Friday at malaki ang chance for gold medal,” pahayag ni Catipon.
Bumaba ng timbang ang dating two-time SEAG judo bronze medalist na si Liwanen na sasabak sa women’s 57kgs division. Tatangkain ng dating UAAP judo gold medalist na si Estrella na makuha ang ginto sa women’s -70kgs, habang magpapakitang-gilas si Escarpe sa men’s 73kgs class.
Bukod kina Quelino at Tancontian, nagwagi rin ng silver medal si Helen Aclopen sa women’s -under 48kgs, at mga bronze medalists na sina George Angelo Baclagan (men’s 90kgs), Renzo Cazeñas (men’s -81kgs) at playing-coach Al Rolan Llamas sa men’s -60kgs category. Tanging si Adrian Josef Perillo ng men’s 66kgs ang nabigong mag-uwi ng medalya.
Comentarios