ni Thea Janica Teh | August 30, 2020
3 mangangaso ang pinaghahanap ng awtoridad matapos patayin ang tamaraw na isa nang critically-endangered species sa Mindoro Occidental noong Biyernes.
Dalawa sa mga ito ang namataang nagpapatuyo ng karne malapit sa base ng Mt. McGowen sa Mount Iglit-Baco Natural Park at agad na nahuli ngunit nakatakas.
Kuwento ng isang environmental group, sinabi ng isang mangangaso na kaya nila ito pinatay upang kainin at ibenta. Agad na nakuha sa mga ito ang isang sako ng karne ng tamaraw na ibebenta sana bilang tapa o buffalo bush jerky at dalawang homemade shotgun.
Ang mga Tamaraw ay legal na pinoprotektahan ng Wildlife Act. Nakapailalim sa batas na ito ang parusa sa mga taong nahuling pumapatay ng mga hayop na endangered species at maaaring patawan ng hanggang 12 taong pagkakakulong at 1 milyong pisong multa.
Ayon kay Tamaraw Conservation Program head Neil Anthony del Mundo, ginagamit umano ng mangangaso ang COVID-19 lockdown bilang oportunidad para gumawa ng ilegal. Kaya naman sinisigurado nito na lubos na poprotektahan ng mga ranger ang lugar at mapapatawan ng parusa ang sinumang lumabag.
Halos 600 tamaraw na lamang ang natitira sa buong mundo kaya ito ay pinapangalagaan. Karamihan dito ay makikita sa Mindoro.
Opmerkingen