top of page

3 pulis, positibo sa Delta variant

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 13, 2021
  • 1 min read

ni Lolet Abania | August 13, 2021



Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ngayong Biyernes na mayroon nang tatlong kaso ng Delta variant ng COVID-19 na na-detect sa kanilang hanay.


Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Ronaldo Olay, ang impormasyon ay pinatotohanan ni Administrative Support for COVID-19 Task Force commander Police Lieutenant General Joselito Vera Cruz. “Yes. We have three confirmed Delta variant cases.


They were tested COVID positive last July and had finished their 14-day isolation,” ani Vera Cruz sa isang mensahe kay Olay. Gayunman, ayon kay Vera Cruz, ang mga resulta ng kanilang genome sequencing ay nailabas lamang ngayong buwan.


Dahil dito, ang tatlong police personnel na nakatalaga sa Aviation Security Group (AVSEGROUP) ay isinailalim sa isa pang RT-PCR test at bilang payo na rin ng Department of Health. Isa sa kanila ay muling nagpositibo sa virus at ngayon ay na-admit sa isang isolation facility sa isang local government unit (LGU).


Isa sa police personnel naman ay negatibo na sa sakit, subalit inilagay pa rin sa home quarantine habang nakatakda siyang sumailalim sa isang test uli sa Huwebes. Ang isa pang pulis na naka-home quarantine ay naghihintay pa ng kanyang resulta.


Ayon pa kay Vera Cruz, base sa AVSEGROUP, ang naging mga close contacts ng mga infected na PNP personnel ay negatibo naman sa test sa COVID-19. Sa ngayon, nakapagtala na ang PNP ng kabuuang 32,077 COVID-19 cases kabilang dito ang 158 bagong kaso sa hanay ng kapulisan. Nasa tinatayang 30,147 ang nakarekober habang 1,841 ang nananatiling active cases. Umabot naman sa 89 ang nasawi matapos na isang pulis ang namatay dahil sa COVID-19.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page