ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 29, 2021
Tatlong pulis ang patay at 10 pa ang sugatan sa naganap na pag-ambush ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Magsaysay, Occidental Mindoro noong Biyernes nang umaga.
Ang mga naturang pulis ay miyembro umano ng Philippine National Police’s First Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company na nagtungo sa San Nicolas para sa outreach program na “Serbisyo Caravan” na inorganisa ng Provincial Task Force-Ending Local Communist Armed Conflict.
Base sa ulat ng awtoridad, alas-10:30 nang umaga naganap ang engkuwentro nang paulanan ng bala ng baril ang mga pulis na sakay ng open vehicle na nakaparada malapit sa highway.
Ayon kay Provincial Police Chief Col. Hordan Pacatiw, ang mga nasawing pulis ay sina Police Executive Master Sgt. Jonathan Alvarez at Police Cpl. Stan Gonggora. Ngayong Sabado naman binawian ng buhay si Police Staff Sergeant Nolito Develos Jr..
Dagdag pa ni Pacatiw, ang tinambangang sasakyan ng mga pulis ay bahagi ng security convoy ni Gov. Eduardo Gadiano. Naganap ang pananambang ng armadong grupo nang pauwi na umano sina Gadiano matapos ang “Serbisyo Caravan”.
Samantala, nagsasagawa na ng operasyon ang awtoridad upang matugis ang mga salarin sa insidente.
Comments