ni Lolet Abania | April 11, 2022
Tatlo ang iniulat na nasawi, isa ang nawawala, habang dalawa ang kumpirmadong nasugatan dahil sa Tropical Depression Agaton, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes.
Batay sa 3PM report ng NDRRMC, ang dalawang namatay at isang nawawalang indibidwal ay mula sa Monkayo, Davao de Oro, habang ang isa pang nasawi ay mula sa Cateel, Davao Oriental.
Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng NDRRMC na ang nai-report na nawawala at dalawang kumpirmadong nasaktan na mula sa Davao Region ay nananatili pa rin sa validation.
Ayon sa NDRRMC, nasa 136,390 indibidwal o 86,515 pamilya ang naapektuhan dahil sa Bagyong Agaton mula sa 201 barangay sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Nasa kabuuang 52 kabahayan ang napinsala, kung saan 49 partially habang tatlo totally nawasak sa Central Visayas, Northern Mindanao, at Caraga. Ini-report pa ng NDRRMC na nasa kabuuang P874,000 halaga ang napinsala sa agrikultura mula rin sa Soccsksargen at Bangsamoro.
Nakapagtala naman ng 195 insidente ng pagbaha, 13 landslides, 6 na flash floods, at umapaw na ilog dahil kay ‘Agaton.’ Nasa tinatayang 16 na mga lansangan at apat na tulay ang hindi na madaanan.
Sinabi rin ng NDRRMC na nasa kabuuang 15 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng power interruption, kung saan apat dito ang nai-restored na. Dalawang lugar naman ang nakaranas ng interruption sa suplay ng tubig. May kabuuang 38 pantalan ang sinuspinde ang mga biyahe at operasyon.
Habang nasa kabuuang 2,362 pasahero, 1,180 rolling cargoes, anim na barko, at isang motor banca ang stranded sa ilang mga apektadong rehiyon. Binanggit din ng NDRRMC na nasa kabuuang 78 klase at 56 work schedules ang isinuspinde dahil sa bagyo.
Ayon naman sa PAGASA, bandang ala-1:00 ng hapon ang sentro ng Bagyong Agaton ay tinatayang nasa layong 11.1°N, 125.2°E sa buong coastal waters ng Marabut, Samar.
May maximum sustained winds itong 45 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot sa 60 km/h, at central pressure na 1002 hPa.
Sinabi pa ng PAGASA na kumikilos ang Bagyong Agaton na halos stationary sa buong San Pablo Bay. Gayunman, ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ay nananatili pa rin sa mahigit 11 lugar sa bansa.
Comentarios