ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 6, 2022
Isang malaking karangalan para sa inyong lingkod na maging ganap na batas ang tatlo sa ating mga panukala na nagsusulong sa kapakanan ng mga kabataan.
Ito ay matapos mag-lapse into law ang mga ito na ang isinulong bilang chairman ng Senate Committee on Youth. Ang mga ito ay pawang nakatuon sa pagpapalakas sa sektor ng kabataan na sa mga darating na panahon ay maaaring maging lider ng ating lipunan.
Kabilang sa mga naisabatas ang National Youth Day (RA 11913); National Music Competitions for Young Artists (RA 11915) na kapwa nag-lapse into law nitong July 30, 2022, habang ang Summer Youth Camp (RA 11910) ay nag-lapse into law noong July 28, 2022.
Sa ilalim ng RA 11913, isinasaad na tuwing ika-12 ng buwan ng Agosto taun-taon, ipagdiriwang ang National Youth Day, kasabay ng International Youth Day na idineklara naman ng United Nations sa parehong petsa.
Inaatasan, sa ilalim ng batas na ito, ang National Youth Commission, ang Department of Education, Commission on Higher Education at ang Technical Education and Skills Development Authority na ibilang sa talakayan sa pagdiriwang ng National Youth Day ang career paths, sustainable Development Goals, ang pangangalaga sa kalikasan, patas na pagtrato sa kasarian at pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, mahuhulma natin ang disiplina, talino, talento at leadership prowess ng kabataan. Maihahanda natin sila sa mas produktibong pamumuhay at bilang pinuno ng mga susunod na henerasyon.
Ang National Music Competitions for Young Artists (NAMCYA) naman na pinagtibay sa ilalim ng RA 11915 ay inaatasan ng batas na maging tulay para makadiskubre ng mgabagong music talents; pagpapalakas sa industriya ng musika; ang preservation, development and promotion ng musikang Pinoy bilang bahagi ng ating sining at pagpapatuloy ng iba’t ibang programang may kinalaman sa research, documentation at paglilimbag ng musikang Pilipino na ipalalaganap sa mga paaralan at sa publiko.
Ang ating panukalang nagsusulong ng Summer Youth Camp na ipinagtibay bilang Republic Act 11910 ay taunang isasagawa upang maibahagi sa kabataan ang pagpapahalaga sa responsibilidad, pagkamakabayan, pagsisilbi sa kapwa at kaalaman sa pamumuno.
Mangunguna sa pagsasagawa ng Summer Youth Camp ang Sangguniang Kabataan upang ma-monitor at ma-evaluate ang implementasyon nito sa kani-kanilang nasasakupan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comentários