ni Jasmin Joy Evangelista | February 21, 2022
Nakatakdang i-deport ng Bureau of Immigration ang tatlong lalaking Nigerian na naaresto dahil sa ‘love scam’ kung saan nagpapanggap ang mga ito na may romantic interest sa mga babaeng nakikilala online pero kalaunan ay lolokohin ang mga ito at iti-trick na padalan sila ng pera.
Kinilala ang mga arestadong foreigners na sina Shaka Hashimu Dirisu, 41; Anih Chinedu Miracle, 27; at Gabriel Daniel Evans, 31.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nahaharap ang mga suspek sa deportation dahil sa overstaying, misrepresentation at pagiging undesirable aliens.
Iniimbestigahan din ang mga ito sa posibleng pagkakasangkot sa isang South African organized crime group at iba pang criminal activities.
Tinitingnan din ng NBI ang mga posibleng kasabwat ng mga suspek na narito pa sa Pilipinas.
Nito lamang Enero ay mayroon ding naaresto ang National Bureau of Investigation na dalawang Nigerian dahil umano sa involvement nito sa isang online banking fraud na nakaapekto sa 700 depositors.
Paulit-ulit namang nagpapaalala ang BI na huwag agad magtitiwala sa mga nakikilala online upang makaiwas sa mga love scam.
Comments