ni Lolet Abania | January 3, 2021
Tatlo ang nasawi at 34 ang naospital matapos mai-report ang pagkakaroon ng diarrhea outbreak sa munisipalidad ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
"May 34 ang nadala sa district hospital namin at tatlo ang namatay (sa diarrhea outbreak)," sabi ni Roger Deloy ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Jose Abad Santos ngayong Linggo.
Ayon kay Deloy, mula sa Barangay Butuan ang 34 residenteng isinugod sa ospital habang hindi naman binanggit ang pagkakakilanlan ng tatlong nasawi.
"’Yung 34 (na dinala sa ospital) ay diyan lang sa isang barangay sa Butuan Jose Abad Santos, Davao Occidental," ani Deloy.
Hinala ng MDRRMO, ang kalidad ng tubig sa lugar ang posibleng dahilan ng diarrhea outbreak, subalit patuloy itong sinusuri ng regional health unit.
"Sa tubig ata, pero still ine-evaluate pa ng mga taga-RHU namin," sabi ni Deloy.
Personal namang binisita ni Jose Abad Santos Vice-Mayor James John Joyce ang 34 residenteng naospital sa Tomas Lachica District Hospital at kasalukuyang inoobserbahan ang kanilang kondisyon.
Comments