top of page
Search
BULGAR

3 nagbebenta ng rehistradong SIM cards, kulong

ni Mylene Alfonso @News | September 20, 2023





Dakip ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, ang tatlong indibidwal dahil sa pagbebenta ng rehistradong Subscriber Identity Module (SIM) cards.


Sinampahan ng kasong paglabag sa Sec.7 ng RA 11934 (SIM Registration Act) in relation to Sec.6 and Sec.4(a)(5)(i)(aa) ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) sa Pasay at Las Piñas Prosecutors Office ang mga suspek na sina Beverly Cruz, Keone Gabrielle Lebumfacil at Aljon Christian Reyes.


Umabot sa 1,023 SIM cards na may iba't ibang networks ang nakumpiska ng NBI sa magkahiwalay na operasyong isinagawa noong Setyembre 8, 2023.


Nabatid na nag-ugat ang operasyon ng NBI matapos makatanggap ng impormasyon na may mga indibidwal na nagbebenta ng rehistradong SIM cards sa Facebook partikular na sa SIM Card Philippines buying and selling group.


Ginagamit umano ang mga naturang SIM card sa online scam.

Sa isang comment sa naturang Facebook group, may isang tao na gumagamit ng account name na Nopce Naldz, ang nag-aalok ng 1,000 SIM cards at sa pakikipagnegosasyon ng isang poseur customer, sinabi nito na may 2,100 siya ng rehistradong SIM cards at ibinebenta ito ng P10 kada piraso.


Nagkasundo ang poseur buyer na makipagkita sa isang convenience store sa Clemente Jose St., Apelo Cruz Extension Malibay, Pasay City.


Gayunman, ang dumating sa meeting place ay si Cruz at ibinigay ang tatlong SIM cards sa poseur customer para sa beripikasyon kung saan nalaman na isa sa SIM cards ang nakarehistro habang ang dalawa ay hindi nakarehistro.


Nakabili umano kay Cruz ng 560 SIM cards ang poseur customer at nalaman na may mga SIM cards ang hindi naman nakarehistro kaya pumayag na lamang si Cruz na ma bayaran ito ng halagang P1,000 at nang ipadala ang bayad sa kanyang G-Cash dito na siya inaresto ng mga ahente ng NBI.


Samantala, isang Armando Samling, ang nakausap din sa naturang account at mayroon umano siyang 5,000 SIM cards at ibinebenta sa halagang P30 kada isa.


Nakipagtransaksyon din kay Samling ang poseur customer pero hindi ito pumayag na makipag meet-up sa halip ay pinapunta ang delivery rider sa Pilar Road, Las Piñas City kung saan ang mga suspek na sina Lebumfacil at Reyes ang nag-abot ng SIM cards.

Inaresto ang dalawa matapos na tanggapin ang halagang P2,000 mula sa poseur buyer.




0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page