top of page
Search
BULGAR

3-month advance pension sa sss sa mga nasa lugar na under State Of Calamity

@Buti na lang may SSS | August 27, 2023


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay isang SSS pensioner na nakatira sa Pulilan, Bulacan. Nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa aming mga pensioner na naapektuhan ng baha dulot ng Bagyong Egay. Salamat. — Lolo Fredy


Mabuting araw sa iyo, Lolo Fredy!


Noong nakaraang Linggo ay ating tinalakay ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) na bahagi ng Calamity Assistance Package (CAP), SSS Circular No. 2023-004 na binuksan noong Agosto 15, 2023 at tatagal hanggang Nobyembre 14, 2023 para tulungan ang mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone Egay.


Sa panahon ng kalamidad gaya nang pananalasa ng bagyo, ang SSS ay handang magbigay ng financial assistance sa mga naapektuhang miyembro nito at maging sa mga nasalantang pensyonado na naninirahan sa mga affected calamity areas. Kaya ating tatalakayin ngayon ang ikalawang bahagi ng SSS Calamity Assistance Package. Ito ay ang Three-month advance pension para sa lahat ng mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Kuwalipikado sa three-month advance pension ang mga pensyonado na naninirahan sa lugar na declared under state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kinabibilangan ng mga sumusunod:


  • Mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur,Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountian Province;

  • Mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan,Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro;

  • Lungsod ng Dagupan.


Dagdag pa rito, maaari ring mag-apply ang mga miyembro at pensyonado sa mga karagdagang mga lugar na idineklarang state of calamity ng NDRRMC na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Egay.


Sa ilalim ng Three-month advance pension, paunang ibinibigay ng SSS ang 3 buwang pensyon ng isang pensyonado. Layunin din ng SSS na makatulong sa dagliang pangangailangan ng mga pensyonado nito tulad ng pagbili ng inyong mga gamot at pagkain kasama na ang pagpapaayos ng inyong nasirang kabahayan, kung mayroon man, Lolo Fredy. Halimbawa, kung maaprubahan ngayong buwan ng Agosto ang inyong aplikasyon, maaari n’yong makuha ang inyong pensyon para sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre 2023.


Hindi ito pautang kaya wala kayong babayaran dito. Subalit, kung i-advance na sa inyo, ang inyong pensyon, ang muling pagtanggap n’yo ng inyong regular na buwanang pensyon ay magsisimula muli sa buwan ng Disyembre 2023 o makalipas ang 3 buwan.


Dagdag pa rito, ang mga pensyonado na nakakuha ng advance pension mula sa mga nakaraang Calamity Assistance Package (CAP) at kasalukuyang suspendido ang kanilang pensyon dahil dito ay maaari pa ring mag-avail ng three-month advance pension para sa Bagyong Egay, sa kondisyon na ang paunang pensyon ay hindi lalampas sa tatlong buwan sa anumang oras.


Samantala, hindi naman maaaring mag-apply ang mga pensyonadong may kasalukuyang pagkakautang sa ilalim ng Pension Loan Program (PLP).


Para makapag-apply, Lolo Fredy, kinakailangan mo lamang punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaari n’yong i-download sa aming website (www.sss.gov.ph).


Dapat ding sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa mga apektadong lugar na ating mga nabanggit kanina. Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o NDRRMC na kayo ay naninirahan sa isa sa ating mga nabanggit na apektadong lugar. Maaari n’yo namang ipasa ang accomplished form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.


Ipapadala ang tseke para sa nasabing benepisyo sa sangay ng SSS kung saan kayo nag-file. Maaari mong i-claim ang inyong tseke sa nasabing SSS branch sa loob ng 10 araw.


Subalit kung lagpas na sa 10 araw at hindi mo ito na-claim, Lolo Fredy, ipapadala ng SSS ito sa inyong mailing address sa pamamagitan naman ng koreo.


***


Paalala na hanggang Setyembre 21, 2023 na lamang ang pagtanggap ng SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad nito para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa Bicol Region na nagsimula noong Hunyo 5, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Albay na nasa ilalim ng state of calamity bunga ng pag-aalburoto ng nasabing bulkan. Kasama dito ang mga bayan ng Bacacay, Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.

***


Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o 5 taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page