top of page
Search
BULGAR

3-month advance pension sa mga biktima ng Mayon

@Buti na lang may SSS | July 9, 2023


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay isang SSS pensioner na nakatira sa Camalig, Albay. Nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa aming mga pensioner na naapektuhan ng volcanic activity ng Mayon Volcano. Salamat. - Lolo Chad


Mabuting araw sa iyo, Lolo Chad!


Noong nakaraang Linggo ay ating tinalakay ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) na bahagi ng SSS Calamity Assistance Package (SSS Circular No. 2023-002) na binuksan noong Hunyo 22, 2023 at tatagal nang hanggang Setyembre 21, 2023 para tulungan ang mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa Bicol Region na nagsimula noong Hunyo 5, 2023.


Sa panahon ng kalamidad gaya ng pagputok ng bulkan, ang SSS ay nagbibigay ng financial assistance hindi lamang sa mga naapektuhang miyembro kundi pati rin sa mga pensyonado na naninirahan sa affected areas. Kaya ating tatalakayin ngayon ang ikalawang bahagi ng SSS Calamity Assistance Package. Ito ang three-month advance pension para sa lahat ng mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Kuwalipikado sa nasabing programa ang mga pensyonado na naninirahan sa lalawigan ng Albay na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity. Kasama rito ang mga bayan ng Bacacay; Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.


Sa ilalim ng three-month advance pension, paunang ibinibigay ng SSS ang 3 buwang pensyon ng isang pensyonado. Layunin din ng SSS na makatulong sa dagliang pangangailangan ng mga pensyonado nito tulad ng pagbili ng mga gamot at pagkain kasama na ang pagpapaayos ng inyong nasirang kabahayan, kung mayroon man.


Lolo Chad, halimbawa, kung maaprubahan ngayong buwan ng Hulyo ang aplikasyon ninyo, maaari mong makuha ang pensyon para sa mga buwan ng Agosto hanggang Oktubre 2023.


Hindi ito pautang kaya wala kayong babayaran dito. Subalit, kung i-advance na sa inyo ang inyong pensyon, ang muling pagtanggap n’yo ng inyong regular na buwanang pensyon ay magsisimula muli sa buwan ng Nobyembre 2023 o makalipas ang 3 buwan.


Dagdag pa rito, ang mga pensyonado na nakakuha ng advance pension mula sa mga nakaraang Calamity Assistance Package at kasalukuyang suspendido ang kanilang pensyon dahil dito ay maaari pa ring mag-avail ng three-month advance pension para sa volcanic activity, sa kondisyon na ang paunang pensyon ay hindi lalampas sa tatlong buwan sa anumang oras.


Samantala, hindi naman maaaring mag-apply ang mga pensyonadong may kasalukuyang pagkakautang sa ilalim ng Pension Loan Program.


Para makapag-apply, kinakailangan lamang na punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaari n’yong i-download sa aming website (www.sss.gov.ph). Dapat ding sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa mga apektadong lugar na ating mga nabanggit. Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o NDRRMC na kayo ay naninirahan sa isa sa ating mga nabanggit na apektadong lugar. Maaari n’yo namang ipasa ang accomplished form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.



Ipapadala ang tseke para sa nasabing benepisyo sa sangay ng SSS kung saan kayo nag-file. Maaari mong i-claim ang tseke sa nasabing SSS branch sa loob ng 10 araw. Subalit, kung lagpas na sa 10 araw at hindi ito na-claim, ipapadala ng SSS ang tseke sa inyong mailing address sa pamamagitan ng koreo.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o 5 taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page