ni Lolet Abania | January 20, 2021
Balik-operasyon na ang Santolan, Katipunan at Anonas Stations ng Light Rail Transit 2 (LRT2) ngayong linggo matapos ang isang taong suspensiyon nito.
Ayon sa LRT2 spokesperson na si Atty. Hernando Cabrera, natapos na ng kanilang contractor at engineering department ang paglalagay ng temporary power facilities para sa mga istasyon. Matatandaan noong October, 2019, sinuspinde ang operasyon ng tatlong istasyon matapos na ang power rectifier sa Katipunan area ay masunog at mawalan ng power supply ang mga tren. “Natapos na kasi natin 'yung temporary power facilities natin na ginawa ng ating contractor at ating engineering department para maibalik natin agad 'yung operasyon nitong tatlong istasyon,” sabi ni Cabrera.
Sinabi noon ni Cabrera na ang rehabilitasyon nito ay hindi tatagal ng siyam na buwan dahil mayroon at agad naihanda ang ilang spare parts na kailangan.
Nagsagawa na rin ng testing sa tatlong istasyon upang masigurong ligtas na gamitin bago ibalik ang serbisyo at operasyon ng mga tren.
“Kailangan nating i-test naman ang ating mga tren, ‘yung takbo nila. I-prepare na rin natin 'yung mga staff, 'yung ating personnel sa ticketing, sa security, sa maintenance para makuha natin 'yung tinatawag nating safety clearance,” ani Cabrera.
“Ang target natin makuha natin within the week ‘yung tinatawag natin na safety clearance. Within the week din mabalik natin ang operasyon na kasama na 'yung mga pasahero,” dagdag niya.
Gayunman, dahil sa gagamit lang ang mga istasyon ng temporary power supply, ayon kay Cabrera, mabagal ang magiging takbo ng mga tren at matagal ang interval ng bawat biyahe ng mga ito.
“Kailangan mong i-balance o i-maintain, bantayang mabuti 'yung number of trains na nandito sa segment na ito, magmula Anonas hanggang Santolan,” paliwanag niya.
“Kasi kapag nasobrahan mo ‘yung tren na nandito sa loob ng segment na 'yun, puwedeng maiwasan 'yung power tripping nu’ng ating sistema,” sabi pa niya.
Ayon kay Cabrera, ipapatupad pa rin ang mga health protocols sa mga istasyon gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face masks at face shields at temperature checks para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Comments