top of page
Search
BULGAR

Golfer malixi, podium sa U.S.A.

ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | June 2, 2022



Minarkahan ni Rianne Malixi ng Pilipinas ang kanyang pang-apat na top 5 performance sa Estados Unidos sa nakalipas na dalawang buwan nang pumangatlo ang dalagita sa 2022 American Junior Golf Association (AJGA): Albane Valenzuela Girls Invitational na ginanap sa Longbow Golf Club ng Mesa, Arizona.


Kabuuang 5-under-par 208 strokes ang ikinabit sa pangalan ni Malixi matapos humataw ng 5 birdies (hole nos. 4, 9, 12, 13 at 18) kontra sa isang bogey (pang-anim na butas) sa huling araw ng kompetisyon. Sa dulo ng bakbakan, binuo ng dalagita ang 67-71-67 na marka. Ito ay naiwan lang ng isang palo sa iskor ng pumangalawang si Catherine Rao (207) ng USA pero lubhang malayo sa iskor ng nagreynang si Jaclyn LaHa (202) ng California na nagposte ng coast-to-coast na panalo.


Gayunpaman, halata ang solidong laro ni Malixi sa labas ng bansa sa nakaraang mga linggo. Kamakailan lang ay hinatak niya ang Philippine women's team sa isang bronze medal finish sa Hanoi Southeast Asian Games. Napigilan nito ang pag-uwi ng pangkat na wala man lang kahit isang ambag sa medal tally ng bansa.


Buwan ng Abril nang sumampa si Malixi sa trono ng AJGA Thunderbird Junior All Star sa Arizona. Isang linggo pagkatapos nito ay nakuha niya ang pangalawang puwesto sa AJGA: Ping Heather Farr Classic.


Matatandaang nagkampeon nakahugot din ng mga titulo ang tinedyer sa mga professional events sa bansa. Bukod dito, hinirang din siyang reyna sa 2021 Se Ri Pak Desert Junior, pangsampu sa Rolex Tournament of Champions noong Nobyembre at pang-25 naman noong huling Asian Amateur Championships.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page