top of page
Search
BULGAR

3 days nag-party, 54 nagpositibo sa COVID-19 sa QC

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 24, 2021




Limampu’t apat ang nagpositibo sa COVID-19 matapos dumalo sa 3-day improvised pool party at inuman session na ginanap sa covered court ng Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


Batay sa panayam sa alkalde ngayong umaga, naging super spreader ng virus ang naganap na event, kung saan 610 indibidwal ang dumalo.


Aniya, “Nagkaroon ng improvised pool party. Merong diskuhan, may sayawan, may inuman, may videoke. Kumpleto po at walang nagsusuot ng mask."


Ayon pa sa ulat, kaagad na pinuntahan ng contact tracer ang nasabing lugar upang mag-conduct ng contact tracing at interview sa naging close contacts ng isa na unang nagpositibo sa COVID-19. Doon lamang nila nalaman ang nangyaring 3-day event.


Sabi pa ni Belmonte, "Sa pagko-conduct nila ng interviews sa taumbayan, saka pa lang nila nalaman na nagkaroon pala ng 3-day fiesta celebration from May 9 to May 11.”


Sa ngayon ay mayroon pang 18 results ng RT-PCR swab test ang hinihintay na lumabas upang makumpirma ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo.


Samantala, dinala naman sa HOPE facilities ang mga nagpositibo upang doon mag-quarantine at maobserbahan ang kondisyon.


Nilinaw pa ni Belmonte na pananagutin pa rin nila ang 54 na nagpositibo, kahit sila ay tinamaan ng virus. Pinadalhan na rin nila ng show cause order ang punong barangay, kung saan mismong fire truck pa ng barangay hall ang naglagay ng tubig sa improvised pool na ipinuwesto sa covered court.


“Lahat ng mga mapapatunayang lumabag sa ating guidelines at mga ordinansa lalo na ‘yung mga nagkukumpulan at nag-iinuman o nagka-karaoke ay iisyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) at maaaring makasuhan sa ilalim ng RA 11332,” giit pa ni Belmonte.


Matatandaan namang kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng heightened general community quarantine (GCQ) ang buong NCR Plus, kabilang ang Quezon City, kung saan limitado lamang sa 30% capacity ang outdoor activities.

Komen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page