ni Mary Gutierrez Almirañez | May 11, 2021
Nakatakdang mag-expire sa Hunyo at Hulyo ang 2,030,400 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na dumating sa ‘Pinas nitong Sabado, kaya pinabibilisan na ng Department of Health (DOH) ang rollout sa mga vaccination site gamit ang naturang bakuna.
Ayon kay DOH NCR Assistant Regional Director Dr. Paz Corrales, “Limited or masyadong maiksi ‘yung expiration date nila. Sa June or July po yata ang expiration for this year.”
Batay pa sa dokumento ng COVID-19 Vaccination Operation Center, nakatakdang mag-expire sa ika-30 ng Hunyo ang 1,504,800 doses ng AstraZeneca, habang ang 525,600 doses nama’y sa katapusan ng Hulyo.
Dulot nito, hindi na sasagarin sa 3 buwan ang pagitan ng pagtuturok sa first at second dose ng AstraZeneca upang hindi maabutan ng expiration date ang mga nakaimbak na bakuna.
Nilinaw naman ng chairperson ng vaccine expert panel na si Dr. Nina Gloriani na mayroong window period ang AstraZeneca mula isa hanggang 3 buwan kaya hindi gaanong magbabago ang efficacy rate nito kahit maiksi ang pagitan ng first at second dose.
Sa ngayon ay sinimulan nang ipamahagi sa mga local government units (LGU) ang bakuna.
Ang LGU na umano ang magdedesisyon at magpapatupad kung paano nila pabibilisin ang vaccination rollout, alinsunod sa utos ng DOH.
Comments