ni Lolet Abania | April 11, 2022
Hindi na kukuha ng partikular na COVID-19 vaccine brands ang gobyerno mula sa ibang mga bansa habang sinisinop na ngayon ang listahan ng mga natitirang bakuna para gamitin at nakatakdang bawasan na ito sa dalawa hanggang tatlong brands na lamang, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang interview ngayong Lunes kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tinanong ang opisyal kung itinutulak ng DOH sa Food and Drug Administration (FDA) na tanggalin na ang partikular na vaccine brands mula sa Emergency Use Authorization (EUA) para maengganyo ang mas marami na magpabakuna laban sa COVID-19, ipinaliwanag niya na gagawin lamang nila ito kapag ang mga vaccines ay nakatanggap na ng kanilang Certificate of Product Registration (CPR).
“Meaning, it has finished and it has been evaluated that it can have this CPR. Once we have that and it is already included in our law for vaccines, then the EUA will cease to be authorized or cease to exist,” saad ni Vergeire. Aniya, kapag nangyari ito, ang gobyerno ay may isang taon para sa transition sa CPR.
“What we are doing right now is we are trying to streamline our vaccine brands whereby we are not ordering anymore some of the vaccine brands. We are just using it up, finishing the existing stocks,” ani opisyal. “Moving forward, we will just have two to three brands in the country,” dagdag ni Vergeire.
Ang EUA ay isang awtorisasyon na inisyu para sa mga unregistered drugs at vaccines sa isang public health emergency gaya ng COVID-19 pandemic.
Sa kasalukuyan, ang FDA ay inaprubahan ang EUA para sa Pfizer, AstraZeneca, Moderna, Janssen, Coronavac, Sputnik V, Covaxin, Sinopharm, at Covovax COVID-19 vaccines.
Una nang nai-report ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III na tinatayang 27 million shots na na-acquire ng gobyerno ay mag-e-expire sa Hulyo kapag hindi ito nagamit.
Gayunman, ayon kay Vergeire sa parehong interview, mas mababa na lamang sa 10% ng kabuuang bilang ng COVID-19 vaccines na nakuha ng gobyerno ang kinokonsiderang naaksaya o nasayang dahil sa tinatawag na logistical issues.
Comments