top of page
Search
  • BULGAR

3 bigtime tulak, tiklo sa drug den

News @Balitang Probinsiya | July 1, 2024



Capiz — Tatlong bigtime drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Libas, Roxas City sa lalawigang ito.


Kinilala ang mga suspek na sina Nino Corros, Rodante Lucenio at Jay-ar Locaylocay, pawang nakatira sa naturang barangay. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng ilang gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.


 

RIDER, BINARIL SA MUKHA


COTABATO CITY -- Isang rider ang nasa kritikal na kalagayan nang barilin sa mukha ng isang armadong lalaki kamakalawa sa Notre Dame Avenue, Brgy. Rosary Heights, sa lungsod na ito.

Ang biktimang nagtamo ng isang tama ng bala sa mukha ay nakilalang si Sandro Gelsuga nasa hustong gulang at residente sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat, habang lulan ng kanyang motorsiklo si Gelsuga ay biglang sumulpot ang suspek at agad binaril sa mukha ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek, habang kahit sugatan ay nagawa ni Gelsuga na magtungo sa ospital at ipinagamot ang sugatan niyang mukha.

Patuloy pa ang paghahanap ng pulisya sa suspek.


 

BANGKAY, NATAGPUAN SA GILID NG KALSADA


QUEZON -- Isang bangkay ng hindi kilalang lalaki na biktima ng salvage ang natagpuan kamakalawa sa gilid ng kalsada sa Brgy. Castanas, Sariaya sa lalawigang ito.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan sa biktima. 

Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay ng biktima na nakagapos ang magkabilang kamay.

Sa pagsisiyasat ng mga otoridad ay napag-alaman na may mga tama ng bala sa katawan ang biktima. 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid ang motibo sa naganap na krimen.


 

2 NOTORYUS NA HOLDAPER, NASAKOTE


ILOILO -- Dalawang notoryus na holdaper ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa bayan ng Pavia sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang mga suspek habang iniimbestigahan pa ang mga ito. 

Ayon sa ulat, madalas magsagawa ng panghoholdap ang mga suspek at sa follow-up operations ay naaresto na ang dalawa.

Hindi naman nanlaban ang mga suspek nang dakpin sila ng mga otoridad. 

Nakapiit na ang dalawang holdaper at sinampahan na sila ng mga kaukulang kaso. 




0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page