top of page
Search

3 beses naturukan... Masiglang 15-anyos, sumakit ang ulo at tiyan, nagsuka, paulit-ulit

BULGAR

nag-seizure bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 27, 2021



Ang mga atletang Pilipino na kumatawan sa Pilipinas sa nakaraang Olympic Games sa Tokyo, lalo na ang naging mga premyado sa kanila tulad ni Hidilyn Diaz ay nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Nag-uumapaw ding kasiyahan ang hatid nila sa sambayanang Pilipino sa panahon ng pandemya. Sina G. Edwin at Gng. Marlina Serrano ng Binangonan, Rizal ay tiyak na kaisa sa tuwa at pasasalamat na nadama nating lahat sa tagumpay ng nasabing mga manlalaro. Gayunman, marahil ay labis din silang nalungkot dahil may pinakamamahal silang atleta na nagpapaalala sa kanila ng sakit at lumbay sa buhay. Anila, “Kasama sana siya sa koponan ng kanilang eskuwelahan na maglalaro ng volleyball, pero namatay na siya.” Ang tinutukoy nila ay ang anak nilang si Princess Edralyn Serrano.


Si Princess Edralyn, 15, na namatay noong Agosto 5, 2018 ang ika-78 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Hunyo 16, 2016; pangalawa noong Disyembre 15, 2016; at pangatlo noong Hunyo 9, 2017. Naganap ang pagbabakuna sa dati niyang paaralan sa Binangonan, Rizal. Anang mag-asawang Serrano,


“Ang aming anak ay masayahin, masigla at malusog na bata. Mahilig siya sa sports, masipag mag-aral at may mataas na pangarap sa buhay. Kailanman ay hindi siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, maliban lamang nitong kamakailan lang kung saan siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na nagdulot ng kanyang biglaang pagpanaw. Matapos siyang maturukan ng panghuling bakuna kontra dengue ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Noong pangalawang linggo ng Hulyo 2017, nagkaroon siya ng pamamantal sa mukha at leeg, sinat at pananakit ng ulo at tiyan. Noong unang linggo ng Hulyo 2018, sumakit ang kanyang ngipin at nagdurugo ito. Narito ang iba’t ibang sintomas na naramdaman ni Princess Edralyn:

  • Hulyo 17 - Nagkalagnat siya, sumakit din ang kanyang ulo at tiyan na sinabayan ng pagsusuka ng kulay berde at dilaw na likido na nagtagal nang magdamag. Pinainom siya ng paracetamol ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Hulyo 18 at 19 - Lalong tumaas ang kanyang lagnat. Pagsapit ng tanghali, nawala siya sa sarili at kung anu-ano ang sinasabi. Kapag kinakausap siya ay hindi na siya sumasagot at nakatirik lamang ang kanyang mga mata. Siya ay nag-seizure, hindi maigalaw ang leeg at nawalan ng malay. Isinugod siya sa isang ospital sa Binangonan, Rizal bandang ala-1:00 ng hapon. Muli siyang nagka-seizure at nanigas ang kanyang leeg. Dahil hindi sapat ang pasilidad ng nasabing ospital, inilipat siya sa isang ospital sa Quezon City noong Hulyo 19, 2018 nang alas-12:00 ng tanghali. Agad siyang dinala sa ICU at isinailalim sa laboratory tests at siya ay kinabitan ng NGT. Dahil hirap siyang huminga, siya ay in-intubate. Nakadilat lang ang kanyang mga mata at hindi ito nagre-respond. Nanatili siya sa ICU at hindi pa rin siya nakakakilala at tirik ang kanyang mga mata.

  • Hulyo 22 - Nag-umpisa na niyang maigalaw ang kanyang katawan kapag tumutugon sa tuwing kinakausap siya. Sa mga sumunod na araw, naging madalas ang hirap niya sa paghinga.

  • Hulyo 26 - Muli siyang in-intubate, naging iritable rin siya at nag-seizure. Dahil nahihirapan siya sa tuwing humihinga, siya ay na-suction at may lumabas na dugo at plema. Bumuti naman ang kanyang kalagayan nang mga sumunod na araw maliban lamang sa reklamo niyang hirap sa paghinga.

Noong Agosto 4 at 5, 2018 ang naging mga kritikal na sandali sa buhay ni Princess Edralyn. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Agosto 4, umaga - Nag-umpisang mamaga ang kanyang kaliwang leeg at sumunod ang kanang leeg. Pagsapit ng hapon, namaga ang kanyang dibdib at ang pamamaga ay umakyat na sa kanyang mukha.

  • Agosto 5, alas-10:00 ng umaga - Nahirapan siya sa paghinga. Nag-agaw buhay na siya at sinubukang i-revive, pero pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay tuluyan na siyang pumanaw. Sabi ng kanyang mga magulang, “Ayon sa Certificate of Death ni Princess Edralyn, ang sanhi ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw ay Multiple Organ Dysfunction Syndrome (Cardiovascular Dysfunction; Acute Liver Injury), (Immediate Cause); Sepsis (Antecedent Cause); “Pneumonia Severe” (Underlying Cause); “Tuberculosis Meningitis Stage III” (Other Significant Conditions Contributing To Death).”

Ayon pa sa kanila, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine na itinurok sa aming anak ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakunang ito dahil hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng bakuna sa kalusugan ng aming anak, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan niya.


Ipinagtapat ni G. Serrano sa aming tanggapan ito, “Inalok ako sa ospital na isailalim sa autopsy ang aming anak dahil alam nilang naturukan siya ng Dengvaxia pero hindi ako pumayag.” Kaugnay nito, sa PAO Forensic Team niya ipinagkatiwala ang pagsusuri sa mga labi ni Princess Edralyn. Bahagi ito ng pagnanais nilang malaman ang katotohanan sa pagkamatay ng kanilang anak. Ang legal na aspeto naman nito ay inilapit nila sa inyong lingkod na ngayon ay aming inilalaban ng mga kasamahan kong public attorneys sa hukuman.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page