top of page
Search
BULGAR

3 beses nabakunahan… 13-anyos, nawala sa sarili bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 19, 2023


Bilang mga magulang ni Maekyla S. Cruz, lubhang nasisiyahan sina G. Rodrigo Cruz at Gng. Mila Samontina ng Taguig sa mga paglalambing nito sa kanila.


Sa kasamaang palad, may mga paglalambing si Maekyla na nagpapaalala ng mapait na nakaraan. Narito ang bahagi ng kanilang Salaysay:


“Nasa bahay na kami nang makita na parang hindi na normal ang kanyang kinikilos.


Napansin din naming gumagalaw nang kusa ang kanyang mga kamay at pati na ang daliri sa kanyang paa. Lubos kaming nag-alala dahil sa mga pagbabago kay Maekyla at hindi namin maiwasang umiyak dahil sa awa. Nang napansin niyang umiiyak kami sa kanyang kalagayan ay niyakap at nginitian niya kami.”



Si Maekyla, 13, at namatay noong Agosto 21, 2020. Siya ang ika-157 na naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos itong hilingin ng kanyang magulang. Siya ay tatlong beses na naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan, una noong Abril 18, 2016; pangalawa noong Oktubre 21, 2016; at pangatlo noong Hunyo 29, 2017.


Si Maekyla ay masayahin, aktibo, masigla at malusog na bata. Siya ay naglalaro ng volleyball kapag may palaro sa kanilang eskuwelahan. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at ang tanging pagkakaospital niya ay noong 6-anyos siya nang magkaroon siya ng Urinary Tract Infection (UTI). Ang sumunod niyang pagkakaospital ay noong Agosto 2018 nang magkaroon siya ng dengue. Noong mga huling linggo ng Hulyo 2020, sinabi ng kanyang kapatid na madalas siyang uminom ng paracetamol at nagsasabing hindi siya makatulog. Pagdating ng Agosto 2020, narito ang pinagdaanan ni Maekyla, hanggang sa siya’y bawian ng buhay noong Agosto 21, 2020:

  • Agosto 12 - Hirap siyang makatulog. Pinayuhan siya ni Gng. Mila na uminom ng gatas upang makatulog.

  • Agosto 13 - Wala na siyang gana kumain. Namamanhid din ang kalahati ng kanyang mukha hanggang sa kanang bahagi ng kanyang kamay. Agad nilagyan ni Gng. Mila ng hot compress ang mga nasabing parte ng katawan ni Maekyla. Ang sabi niya ay nawala naman umano ang pamamanhid. Pinasulat siya ni Gng. Mila ng kanyang pangalan. Naisulat naman niya ang kanyang buong pangalan na, “Maekyla S. Cruz”. Ngunit matapos niya itong sulatin ay nahirapan na siyang magsalita na para bang may stroke.

  • Agosto 14 at 16 - Dinala siya sa isang ospital sa Taguig. Sa inisyal na diagnosis ng doktor, inirekomenda na isailalim siya sa CT scan sa ospital sa Manila, sapagkat nakita ng doktor na hindi na siya makapagsulat ng kahit ano bukod sa pangalan niya. Dahil sa sitwasyon noong pandemya, natakot ang mga magulang ni Maekyla na dalhin siya sa nasabing ospital sa Manila.


Sa kanilang bahay, naganap ang mga pangyayaring nabanggit sa unahan ng artikulong ito hinggil sa hindi na normal na mga galaw ng mga kamay ni Maekyla, pati na ang mga daliri niya sa kanyang mga paa.


Bandang ala-1:00 ng tanghali noong Agosto 14, tinawag ni Gng. Mila ang kapitbahay nilang nurse na nagtatrabaho sa isang pagamutan na pang-mental health dahil napansin nila na tila nasisiraan na ng isip si Maekyla at iba na ang sinasabi niya. Dahil hindi siya makatulog, binigyan siya ng kanilang kapitbahay na nurse ng gamot pampatulog at pampakalma. Gayunman, hindi pa rin siya nakatulog, nanghingi na ng gamot ang magulang niya sa isang doktor sa medical center sa Makati sa pamamagitan ng online consultation. Pinabili sila ng Rivotril upang ipainom kay Maekyla, ngunit ‘di pa rin siya makatulog. Hindi rin siya makapagsalita at hindi na nakakaintindi. Wala rin siyang reaksyon sa mga sinasabi ng kanyang pamilya. Kapag may nais siyang sabihin, sumesenyas na lang ito. Nagtagal ang ganitong kalagayan ni Maekyla hanggang Agosto 16, 2020. Hindi na siya makaramdam ng init dahil kinain niya nang dire-diretso ang sobrang init na kanin. Palakad-lakad at paikot-ikot na lang siya sa kanilang tahanan.


  • Agosto 17 - Dahil sa kakaibang ang inaasal ni Maekyla, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Makati kung saan nilagyan siya ng swero, isinailalim sa x-ray, CBC at swab test, at nag-negative siya sa COVID-19.

  • Agosto 18 - Napansin ni Gng. Mila na wala na siya sa sarili. Galaw nang galaw at nagwawala kaya nilagyan siya ng tali sa kanyang kama.

  • Agosto 20 - Inilipat siya sa isang ospital sa Quezon City.

  • Agosto 21 - Nagwawala na siya at galaw nang galaw kaya itinali siya ni Gng. Mila sa kanyang kama. Nang lumabas ang resulta ng CT scan niya, niresetahan siya ng steroids.


Ayon sa kanyang magulang,“Nakakapanghina dahil sa kabila ng pagpapainom sa kanya ng gamot, hindi pa rin bumubuti ang kanyang kalagayan. Hindi na siya makakain nang maayos, kaya naka-nasogastric tube na siya. Hindi na bumuti ang kalagayan niya hanggang sa siya ay bawian ng buhay.”


Dagdag pa nila, “Nasaan ang sinasabi nilang proteksyon kontra dengue ang bakunang Dengvaxia? Maliban sa siya ay na-dengue, nagkaroon pa siya ng karamdaman. Sa napakaikling panahon na nasa ospital siya, mayroon nang gamot, ngunit ‘di pa rin bumuti ang kanyang kalagayan.”


Palaisipan sa mga magulang ni Maekyla ang pagkakaroon niya ng sakit na nauwi sa kamatayan.


Nagpabigat pa rito ang kondisyon niya na nagmistula siyang baliw, samantalang mula pagkabata ay hindi naman siya kinakitaan ng kakaibang ugali dahil mabait siyang bata.


Hindi ba dapat ang bakuna ay magbibigay ng proteksyon sa naturukan nito? Ito ang katanungang isinisigaw ng bawat pamilya ng biktima ng bakunang Dengvaxia. Isang katanungang ang sagot sana natin ay “Oo”, subalit hindi tayo paniniwalaan, sapagkat marami ang nabiktima ng bakunang Dengvaxia. Kaya ang aming Tanggapan ay patuloy na makikipaglaban kasama ang pamilya ni Maekyla na makamit ang hustisyang para sa kanya. Bahagi ng ipinaglalabang katarungan nina Gng. Mila at G. Rodrigo ang pagtutuwid sa kasaysayan ng kanilang anak. Kasama ang PAO at PAO Forensic Laboratory Division na hiningan nila ng tulong sa laban na ito. Kapag natamo ang katarungan, mabibigyang-halaga ang katotohanan na naging tuntungan nito.


Ang katotohanang ito ang kasagutan para kina Gng. Mila at G. Rodrigo, para sa palaisipan na nakintal sa kanilang kamalayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page