ni Lolet Abania | April 6, 2022
Umabot sa kabuuang 3,760,983 doses ng COVID-19 vaccine sa bansa ang nai-record sa ngayon na nasayang lamang at hindi napakinabangan, ayon sa Malacañang.
Sa ginanap na Palace briefing, iprinisinta ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar ang datos mula sa Department of Health (DOH) aniya, ito ay nasa 1.54 porsiyento lamang ng kabuuang COVID-19 vaccine doses ng bansa.
“Nasa 1.54% ng COVID-19 vaccines na binili ng national government ang masasabing wastage. Malayo ito sa 10% wastage rate ng World Health Organization (WHO),” sabi ni Andanar.
Ilan sa mga dahilan ng pagkasayang ng mga bakuna ay under-dosed vials, nag-exceed ang shelf life nito, presensiya ng mga particles, at pagkasira dahil sa mga disasters tulad ng sunog at mga bagyo.
Una na ring nagbabala si Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III, kaugnay sa 27 milyon doses ng COVID-19 vaccine na mag-e-expire na sa loob ng tatlong buwan kung hindi ito magagamit.
Hinikayat naman ni Andanar ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19, at patuloy na sumunod sa mga health protocols sa gitna ng banta ng bagong coronavirus variant na Omicron XE.
“Patuloy ang ginagawang pag-aaral sa XE bilang isang variant. Ang mahalaga ay sumunod sa minimum health standards, mag-mask, hugas, iwas, at magpabakuna,” saad pa ni Andanar.
Comments