top of page
Search
BULGAR

3.5 M Pinoy nabakunahan sa 3rd national vaccination

ni Lolet Abania | February 19, 2022



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Sabado na umabot sa tinatayang 3.5 milyong indibidwal ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa third wave ng “Bayanihan, Bakunahan” program na ginawa mula Pebrero 10 hanggang 18.


Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang bilang ng mga nabakunahang indibidwal sa ginawang mass vaccination drive ay kulang pa at hindi naabot ang target ng gobyerno na 5 milyon.


“Bagamat hindi natin na-achieve ‘yung five million na ating target, ating ikinagagalak pa rin natin na mayroon tayong achievement na 3.5 million, nakadagdag sa antas ng pagbabakuna sa ating bansa,” sabi ni Vergeire.


Unang nakaiskedyul ang Bayanihan, Bakunahan III na ipinatupad mula Pebrero 10 hanggang 11, subalit pinalawig ito ng hanggang Pebrero 18.


Sinabi naman ni Vergeire na may mga challenges na kanilang naranasan kaya hindi nila nakamit ang target na 5 milyong Pilipino.


“Unang una, nahati po ang ating healthcare workers between our Bayanihan, Bakunahan and children’s vaccination,” ani Vergeire.


Ayon pa sa opisyal, ang bilang ng mga healthcare workers para sa mass vaccination drive ay nabawasan dahil sa iba pang health-related duties ng mga ito habang ilan din sa kanila ay tinamaan ng mga sakit.


Sa isang report naman sa News Live, sinabi ni Dr. Maria Paz Corrales, medical consultant ng National Task Force Against COVID-19 na ang vaccine hesitancy o pag-aalinlangan sa bakuna, ang isa sa mga factors kaya ang 5-million target para sa Bayanihan, Bakunahan III ay hindi nakamit.


Samantala, ayon kay Vergeire nasa 62.3 milyon Pilipino na ang fully vaccinated kontra-COVID-19, na nagre-represent sa 69.8% ng 77-million target na mabakunahan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page