ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 15, 2021
Inalis na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang suspension order sa deployment ng mga migrant workers sa Israel at inaasahang makabibiyahe na papunta sa nasabing bansa ang tinatayang nasa 3,000 overseas Filipino workers (OFWs), ayon kay Secretary Silvestre Bello III.
Noong Mayo, maaalalang sinuspinde ng DOLE ang deployment sa mga migrant workers sa Israel dahil sa alitan sa pagitan ng mga Israeli at Palestinians sa Gaza.
Ayon kay Bello, inalis na ang naturang suspensiyon dahil maayos na ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Ani Bello sa teleradyo interview, "'Yung assessment ng Labor attaché namin sa Israel na medyo tumahimik na ang sitwasyon doon at ligtas na ‘yung ating mga OFWs.
"That and an advisory from our Department of Foreign Affairs (DFA) na OK na at lifted na ‘yung kanilang alert Level 3, so puwede nang magpadala. And therefore, on that basis, I issued a directive na i-allow na ang pagde-deploy ng ating mga kababayan sa Israel.
"Ang daming kailangan doon na caregivers, hotel workers at farm workers."
Saad pa ni Bello, “Siguro anytime now, mag-aalisan na ang mga… at the very least, mga 3,000. Nakatengga nga ‘yan dahil du’n sa temporary suspension. So anytime now, aalis na ‘yung ating mga kababayan na matagal nang naghihintay ng kanilang deployment.”
ความคิดเห็น